Home Headlines Apostol, Sugo, Kinatawan

Apostol, Sugo, Kinatawan

440
0
SHARE

NAIS KO sana na itutok natin ang ating pagninilay sa araw na ito sa kahulugan ng pagiging “apostol”. Alam ko na ang karaniwang iniuugnay natin sa salitang “apostol” ay ang 12 lalaki na pinili ni Hesus mula sa kanyang mga alagad at isinugo niya sa mga lugar na ibig niyang puntahan at hatdan din ng mabuting balita.

Hindi ba kung minsan may mga taong dahil napakarami ng responsibilidad sa buhay ay nakapagsasabing, “Kung pwede ko lang hatiin ang katawan ko, o kung pwede lang akong mag-bilocate ginawa ko na.” Pero dahil kahit Diyos na totoo si Hesus ay tao rin siyang totoo—inako rin niya ang limitasyon ng pagkatao sa lugar at panahon. Kaya ang ginawa niyang solusyon sa problema ng limitasyon ng lugar at panahon ay ito: minultiply niya ang sarili niya sa pamamagitan ng pagpili ng ilan sa mga kaibigan at kapanalig niya at isinugo niya sila bilang kanyang mga kinatawan. Take note—“kinatawan,” hindi “kapalit”. (Sa Ingles, representative, hindi substitute. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa.) Tingnan ninyo, sa ganyang paraan nakaabot ang Mabuting Balita sa halos lahat ng sulok ng daigdig!

Ano ang “apostol”? Galing ito sa Griyego na ang ibig sabihin ay “sugo,” isinugo o ipinadala ng tagapagsugo para sa isang misyon. Sa ebanghelyo ni San Lukas, hindi lang 12 kundi 72 daw ang piniling apostol ng Panginoon bilang katuwang niya sa kanyang misyon. Alam kong alam ng marami sa inyo na ang tinuturing na successors o tagapagmana ng papel ng mga sinaunang apostol ay kaming mga obispo. Tama ba iyon? Oo, pero ang apostol ay hindi pinili para sarilinin ang papel na ito, kundi para pamunuan ang buong sambayanan ng mga alagad ni Kristo upang ang lahat ay makiisa at makilahok sa kanyang misyon. Kaya nga sa ating Kredo, ipinahahayag natin na sumasampalataya tayo sa iisang simbahan na banal, katolika at “apostolika.” Ibig sabihin, tayong lahat na nabinyagan ay tinawag, hindi lang para maging simbahan ng mga disipulo, alagad o tagasunod, kundi higit sa lahat, upang maging simbahan ng mga apostol, sugo o kinatawan sa daigdig ni Hesukristong Anak ng Diyos.

Akmang-akma ang ating mga pagbasa sa Linggong ito sa tema ng pagiging sugo o kinatawan ng pinakasugo ng Diyos—ang ating Panginoong Hesukristo. Sa unang pagbasa, itinataboy daw ng punong pari ng bayan ng Bethel ang propetang si Amos. Bakit? Dahil para sa kanya, isang dayo ang propeta, taga-timog ito, gayong ang Bethel ay nasa norte o hilaga at nasasakupan ng otoridad niya. Sa madaling salita, parang sinasabi ng pari sa propeta, “Lumayas ka rito. Di mo ba alam na teritoryo ko ito? Ako ang pari sa templong ito! Ano ang karapatan mong mangaral sa teritoryo ko? Ba’t di ka na lang sa ibang lugar rumaket?” At ang sagot ni Amos ay — “Hindi po ako rumaraket, ano? Akala nyo ba nandito ako para kumita? May sariling hanapbuhay ako at pinagkakakitaan. Kaya ako napadpad dito ay dahil pinag-utusan ako, isinugo ako ng Panginoon.” Hindi ako kundi siya ang may mensaheng ibig ipaabot sa inyo. Messenger lang ako. Ang papel ng propeta ay parang papel din ng apostol.

Ganyan din ang sinasabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: naparito ako dahil hinirang ako, at itinalaga. At sa ebanghelyo naman, ganyan din ang paglalarawan ni San Markos sa gawain ng apostol: pinili daw ni Hesus ang labindalawa sa mga alagad niya para maging apostol: binigyan daw sila ng kapangyarihan sa mga dimonyo at pinagbilinan. Isinugo daw sila para mangaral, manawagan ng pagbabagong-loob, magpalaya mula sa masamang espiritu, at magpagaling sa mga maysakit.

Ganoon din ang madalas ipaalala ni Papa Francisco sa ating mga Katoliko. Na hindi pa nalulubos ang ating buhay bilang mga alagad ni Kristo hangga’t hindi pa tayo nakikilahok o nakikibahagi sa buhay at misyon ni Kristo sa bisa ng regalong tinanggap natin sa binyag—ang Espiritu Santo. Siya ang kumikilos upang ang pinalaya at pinagaling ay magpalaya din at magpagaling. Na ang tumanggap ng Mabuting Balita ay magpahayag din ng Mabuting Balita. Na ang pinagpala ay maging daluyan ng pagpapala ni Kristo sa buong daigdig. Hindi lang ito tungkol sa mga obispo at pari kundi sa ating lahat na kabilang sa katawan ni Kristo.

May nagtanong sa akin—Bishop bakit mga lalaki lang ang pinili ni Hesus at isinugo niya mula sa kanyang mga alagad? Totoo ba iyon? Hindi. Nakalimutan na ba natin ang babaeng Samaritana? Ang magkapatid na Martha at Maria? Sina Juana at Susana? Si Salome na asawa ni Zebedeo, at si Mariang ina ng isa pang Santiago? Sa katunayan, ang Mahal na Patrona ng Diocesan Shrine na ito ay tinawag ni Papa Francisco na “apostol sa mga apostol.” Siya ang pinakaunang alagad na pinili at isinugo ng Panginoong muling nabuhay upang ipahayag sa mga kapwa alagad ang kanyang muling pagkabuhay. Kaya nga’t iniangat ni Papa Francisco ang paggunita kay Sta. Maria Magdalena sa isang Maringal na Kapistahan. Hindi totoo na isang dating prostitute ang inyong patrona. Walang batayan iyon sa bibliya. Siya’y pinalaya ni Hesus sa mga masasamang espiritung umalipin sa kanya.

Nananawagan ako sa mga babaeng lay leaders ng mga BEC sa ating Shrine. Gayundin sa lahat ng mga volunteers ng ating mga lay ministries—sana kayo ang maging pangunahing tagataguyod upang mapanumbalik natin ang orihinal na layunin ni Hesus na sa tahanan ng Diyos, upang mapaluwagan ang mga tolda, ay buwagin ang mga pader na naghihiwalay sa atin sa isa’t isa. Na wala nang Hudyo at Hentil, malaya at alipin, babae at lalaki, dahil ang lahat ay iisa na kay Kristo Hesus na ating Panginoon.

(Homiliya Para sa Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon, 16 Hulyo 2024, Markos 6:7-13)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here