De Venecia naglatag ng plataporma sa Pampanga

    3971
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Inamin ni senatoriable Joey De Venecia na mahihirapan siyang manalo sa Pampanga lalong lalo na sa distrito kung saan humahabol si President Gloria Macapagal Arroyo.

    Sa isang press conference na ginanap kamakailan sa Coffee Academy sa barangay Balibago dito, sinabi niya na bagama’t mahihirapan siyang ligawan ang mga cabalen ng pangulo, makakakuha pa rin umano siya ng sapat na boto sa ibang mga distrito dito sa Pampanga at sa ibang probinsya sa Gitnang Luzon .

    Sa katunayan aniya, maging ang pamilya Macapagal, sa pangunguna ni dating Vice Gov. Cielo Macapagal-Salgado, ay inindorso ang kanyang kandidatura.

    Naglatag din si De Venecia ng kanyang mga plataporma na tumututok sa agrikultura, information technology, programa para sa mga nais magtayo ng negosyo at pagpapalawak ng call center industry sa bansa upang mas madaming mga Pilipino ang magkaroon ng dekalidad na trabaho at mataas ang tinatanggap nilang sahod.

    Pangarap umano ni Joey na magkaroon ang internet connection at computer ang bawat pamilya sa bansa dahil ito umano ang magbibigay ng trabaho sa maraming mga mahihirap na mga Pilipino.

    “Tila mahirap gawin pero pwede kapag suportado ng national budget at long term financing,” aniya.

    Si De Venecia din ang nagtayo ng unang call center sa bansa noong 1997.

    Sa ngayon ay mahigit sa 650,000 na ang nagtatrabaho sa ibat ibang mga call centers sa buong bansa kasama na ang mga nasa Clark Freeport.

    Bagama’t madaming mga programa para sa mga OFWs, sinabi niya na mas magiging mabuti kung madaming mga Pilipino ang magkakaroon ng trabaho sa sariling bansa. Ang call center industry aniya ang isang sagot dito dahil kaya nitong magpasahod ng P10,000 hanggang P20,000 o higit pa sa bawa’t empleyado kada buwan.

    Ipinagmalaki din niya ang kanyang ama na si dating Speaker of the House Jose De Venecia na siya namang nagumpisa ng dollar remittance program. Milyun-milyong mga Pilipino din umano ang nagkaroon ng trabaho sa Middle East, Europe at Africa ng dahil sa mga programang pang-OFW ng kanyang ama.

    Bilang isang dating OFW, sinabi niya na isa siya sa tumulong sa kaniyang ama sa pagsulat ng mga batas kagaya ng income tax exemption at dual citizenship para sa mga OFWs.

    “Ako po ay nag-umpisa bilang isang OFW sa Kuwait at Iraq hanggang sumabog ang putukan sa Iraq war noong 1981,” aniya.

    Sa larangan naman ng agrikultura, isusulong umano niya ang pagbibigay ng sapat na benepisyo para sa mga magsasaka – pabahay, libreng edukasyon sa kanilang mga anak at iba pang mga programang pang-sakahan.

    Masuwerte umano ang mga taga-Gitnang Luzon at mga nasa Mindanao dahil sa malawak ang mga lupaing sakahan dito na siyang dapat na bigyang pansin ng pamahalaan.

    Food security ang pangunahin dahil dapat magkaroon ng sapat na pagkain ang mga Pilipino, ani Joey. “Kung maaari ay hindi na tayo nag-iimport pa ng bigas sa ibang bansa. ”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here