Salamat

    757
    0
    SHARE
    Salamat sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), sa Philippine Press Institute (PPI) at sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa pagtataguyod ng mga seminar-workshops at mga pag-aaral para sa mga mamamahayag. Kaming taga-Punto Central Luzon ay naging bahagi ng inyong mga mabuting gampanin na amin namang napapakinabangan ngayon.

    Salamat sa National Union of Journalists of the Philippines sa pangunguna nito sa pagkondena sa Maguindanao massacre at sa pangunguna nito sa pagpapahayag ng pakikidalamhati sa mga pamilya at kamag-anak ng mga biktima.

    Salamat sa isang Ody Fabian na dahil sa kanya’y natuto kami ng tamang pagsusulat. Natuto din kaming maging mapagbigay, hindi madamot sa kaalaman (kung mayroon man). Salamat sa lahat ng kanyang mga tulong na hindi mapapantayan ng salapi.

    Salamat sa isang Corazon “Cory” Aquino na naging isang mabuting asawa, ina ng demokrasya at pangulo ng bansa.

    Salamat sa isang Francis Magalona na dahil sa kanyang mga awit na may kabuluhan at may temang makabayan. Mga awiting dapat na mapakinggan ng ating mga anak at ng henerasyong darating.

    Salamat sa lahat ng mga namumuno sa lungsod ng San Fernando sa pangunguna ni Mayor Oscar Rodriguez. Ang makasaysayang lungsod ay modelo (model city) ngayon sa buong Pilipinas dahil sa mahusay na pamamahala (good governance).

    Salamat sa isang Atty. Pinggoy Lopez na tumulong ng walang bayad upang ipagtanggol ang yumaong Dante Fabian, isa ring beteranong mamamahayag, dahil sa kasong libelo na isinampa ni dating Congressman Blueboy Nepomuceno, na ngayo’y alkalde ng lungsod ng Angeles.

    Salamat sa mga taong patuloy na nagbibigay ng impormasyon sa aming mga mamamahayag tungkol sa mga anomalyang nangyayari sa city hall ng Angeles at maging sa ibang mga bayan.

    Salamat sa isang Atty. Gener Endona, general manager sa Punto Central Luzon, dahil pagbibigay niya sa amin ng tunay na kalayaan na makapagsulat (o editorial independence). Salamat sa kanyang pagkandili sa amin, sa mga panahong hirap ang lahat at sa mga pagkakataong hindi namin inaasahan ay nandoon siya lagi at hindi kami pinababayaan. Salamat sa lahat ng kanyang mga itinulong sa ibang mga tao at sa amin na walang hinihinging kapalit. Ang lahat ng ito ay hindi rin matutumbasan ng salapi.

    Salamat sa lahat ng aking mga kasama sa Punto, sa inyong pakikiisa, sa pagtitiis sa mga pagsubok, sa hirap o ginhawa at sa lahat ng inyong naitulong at naiambag.

    Higit sa lahat, salamat sa Diyos na makapangyarihan sa lahat, sa Kanyang mga kaloob na hindi masabi, sa Kanyang pag-iingat sa atin, sa mga pagkakataong hindi na natin namamalayan ay gumagawa parin para sa atin.

    Salamat sa Diyos sa lahat ng ating mga tinatangkilik, at hanggang sa mga oras na ito ay mayroon parin tayong mga buhay at kalakasan.

    At salamat sa Diyos sa isang katulad mo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here