‘Utak manok’

    510
    0
    SHARE
    Mga manok at hindi pala mga tao ang gagamit at maglalaro sa sports complex na gagawin sa lungsod ng Angeles. Buo ang aking paniwala na maraming mga atletang Kapampangan ang makikinabang dito ngunit nagkamali ako.

    Inaprubahan ng mga konsehal (mayorya) noong Martes ang tatlong resolusyon na nagbibigay kapangyarihan kay Mayor “Blueboy” Nepomuceno upang mangutang ng P813 milyon para sa pagpapagawa ng isang sports complex bagama’t maraming mga Angeleño ang tutol dito.

    Ngunit may hirit itong si Konsehal Pitong Del Rosario:

    Del Rosario, for his part, said several prominent entities in Metro Manila, including the Philippine Basketball Association (PBA), have expressed their intention to avail of the facilities at the planned sports complex.

    Ah, talaga lang ha? Eh papaano naman itong sumunod mong pahayag sa sesyon noong Martes na lubos naming pinagdudahan: 

    Del Rosario said big-time cock derbies would use the sports complex and provide income for the city.

    Sabungan nga. Siguradong pang-world-class ito kung iisipin. Saan ka nga naman makakakita ng isang P813-milyong sabungan? Sa City of Angels lang diba?

    Nasabi tuloy ng isang kasamahang dati ring atleta: “Napakaganda” pala ng vision ng mga konsehal at ni Mayor Blueboy para sa lungsod. Isang world-class na sabungan. Hindi ko alam na mahilig pala sila sa manok.”

    Kasama sa “kamanukang” ito ay sina Konsehales Atty. Pogs Suller, Robin Nepomuceno, Ares Yabut, Carl John Miranda, Rudy Simeon at Dan Lacson na nagsulong sa tatlong resolusyon na wala umanong public consultation.

    Dahil sa pagkadismaya noong Martes, sinamahan naman nina Konsehal Jesus “Jay” Sangil, Maricel Morales at Ruben Maniago si Bise-Alkalde Vicky Vega-Cabigting sa pagwo-walkout sa sesyon bilang patunay na tutol sila sa pag-apruba ng mga resolusyon.

    Mga kababayan, wala akong anomang laban sa mga sabungero. Ang sa ganang akin ay kailangan pala ng P813 milyon sa pagpapatayo ng isang sabungan?

    Hindi masama ang magpagawa ng sports complex, ngunit ito ba ay napapanahon? Bakit kailangan mangutang ng ganong kalaking halaga sa isang proyektong alam naman nating hindi kikita?” Ito ay ilan lamang sa mga tanong ng mga residente sa lungsod ng Angeles na nakausap ko.

    Magbibigay kanyo ng income para sa lungsod? Ano ang nangyari sa sports complex sa lungsod ng San Fernando? Kumita ba ito ng milyong-milyong?

    Ang sikat na Bird’s Nest ba sa Tsina at ang mga pasilidad na ginamit noong Olympics ay kumita ba ng milyon-milyon pagkatapos ng laro?

    Maging ang aking dating mga kasamang atleta ay nabigla sa balitang ito.

    Anila, sa panahong ito ay hindi sports complex, kundi isang komprehensibong programa para sa mga atleta ang dapat na tutukan; ang patuloy na pagsasanay at pagtuturo sa marami pang mga bata na may potensiyal sa kani-kaniyang naka-hiligang palakasan ang dapat na gastusan.

    Hindi ang 10% S.O.P. ang dapat na isipin (dahil 10% ng P813 milyon ay P81,300,000 na maaaring gamitin umano sa kampanya), kundi ang kapakanan ng bawat Angeleño na nagugutom, na walang trabaho at walang anuman sa buhay ang dapat bigyang pansin; at ang Ospital ng Angeles na sa lahat yata ng ospital ay siyang kinatatakutang puntahan ng mga may sakit.

    Ngunit sadyang matigas yata ang ulo ng ibang mga tao, ng ibang mga pulitiko.

    Wika nga ng yumaong Cardinal Sin: “You cannot force people to go to heaven if they want to go to hell.”


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here