‘Walang kinalaman si San Pedro sa kaso ng rape’

    380
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Humingi ng paumanhin kay Bacolor Councilor Voltaire “Bong” San Pedro ang mga magulang ng batang nagsampa ng kasong rape laban sa isang bokal ng Pampanga.

    Sa kanilang liham na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ng mga magulang na taos-puso umano silang humihingi ng paumanhin kay San Pedro at sa kanyang pamilya sa pagkakaugnay ng kanyang pangalan sa kasong rape na isinampa nila laban kay Pampanga 3rd District Board Member Johnny “JQ” Quiambao.

    “Mula pa sa una, maliwanag at tuwirang sinabi ng aming anak na talagang walang kinalaman o partisipasyon si Konsehal San Pedro sa reklamong isinampa laban kay Board Member Quiambao,” ani ng mga magulang.

    Matatandaang nagsampa ng kasong rape ang isang menor de edad laban kay Quiambao. Ang bokal ay hindi pa umuuwi ng Pilipinas mula nang maisampa ang kaso.

    Ani pa ng mga magulang ng bata, maging sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Bacolor ay hiniling na ng kanilang anak na tanggalin ang pangalan ni San Pedro sa ulat.

    “Noong nakikipagkita ang aming anak kay BM Quiambao noong December 2009 hanggang April 2009, ito ay labas na sa kaalaman ni Konsehal San Pedro,” ayon pa sa mga magulang ng biktima.

    Ang tanging hangarin lamang umano ni San Pedro ay para matulungan ang bata sa kanyang hinihiling na scholarship at pagsasa-ayos ng kanilang “munting tahanan na gawa lamang sa pira-pirasong mga sako.”

    Sa kanilang liham, pormal na rin nilang inimbitahan si San Pedro na tumayo bilang isa sa mga ninong ng kanilang magiging apo bilang tanda ng kanila umanong pagtitiwala sa kanya.

    “Labis po ang aming pagkalungkot, pag-aalala at pagkabigla nang aming mabalitaan na inuulan ng intriga si Konsehal San Pedro bunga ng kasong aming isinampa kay BM Quiambao,” pahayag ng mga magulang.

    Dagdag pa nila na itinatanggi rin ng kanilang anak na kasama si San Pedro sa ginawa nilang pamamasyal ni Quiambao sa Mall of Asia, Greenhills at iba pang lugar.

    “Sa totoo lang po, si Konsehal San Pedro ang palagian naming nilalapitan tuwing mayroon po kaming mga problema. Siya pa nga ang nagbigay ng trabaho sa amin, at tulong pagkain at pang-edukasyon,” anila.

    Si San Pedro din daw ang kanilang nilapitan at tumulong sa pagpapalibing ng kanilang nalunod na anak kamakailan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here