LUNGSOD NG BALANGA — Isang 102-taong-gulang na World War II veteran ang ginawaran ng pagkilala ng Bataan Police Provincial Office sa paggunita sa ika-126 taong Araw ng Kalayaan nitong Miyerkules na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Ang Gawad Pagkilala kay Onofre Bugay ng Barangay Sta. Lucia sa Samal, Bataan kasabay ng Independence Day celebration ay ginanap sa Camp Cirilo Tolentino sa Lungsod ng Balanga na nilahukan ng mga opisyales at tauhan ng BPPO.
Pinangunahan ni Bataan police director Col. Palmer Tria ang mahalagang okasyon.
Si Bugay, kasalukuyang commander ng WWII veterans sa unang distrito ng Bataan, ay ginawaran ng pagkilala “dahil sa kanyang hindi matatawarang mga sakripisyo at pakikibaka upang makamit ang tinatamasa nating kalayaan.”
Ang matanda na malakas pa bagama’t mahina ang pandinig at paningin ay buong-pusong nagpasalamat kasama ang kanyang mga kaanak sa pulisya ng Bataan sa karangalang natanggap.
Sa seremonya, ipinaabot ni Colonel Tria ang mensahe ni General Rommel Marbil, hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, na binibigyang-diin nito na ang Araw ng Kalayaan ay panahon para mas bigyang-pugay ang mga sakripisyo at pakikibaka ng mga nauna sa pakikidigma at pakikipaglaban para sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas.
“Ito rin ay upang ipagdiwang ang mga tagumpay at pag-unlad ng bansa mula nang magkaroon ng kalayaan at upang tumingin sa isang mas maliwanag na kinabukasan na puno ng kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa,” dagdag ni Tria.