KUNG ganyang Chief Justice na ng ating bansa
itong sa pangit na isyu nakataya
ang pagkatao niya’t posisyon, di kaya
mas makabubuting magbitiw nang kusa
kaysa ‘impeachment’ siya mapilit bumaba,
at daranas tiyak ng pagkapahiya?
Di sila ‘in good terms’ ng Pangulo mismo
at marami na ring kapuwa Mahistrado
ng ating mahal na Chief Justice Sereno,
ang hindi kumporme sa kanyang estilo,
kaya anong buting maidulot nito
sa taongbayan at sa ating Estado?
Partikular na r’yan sa ‘ting ‘bar of justice’
na siyang sandigan ng wasto at matuwid
ng lahat, lalo na nitong maliliit,
na naniniwalang sa lahat ng saglit
ang tunay na hustisya ay makakamit
sa kamay ng alam ang dapat ituwid
Kung katulad nitong kung alin ang ating
marapat tularan, henyo kung ituring
at kapuri-puri ay sila pa mandin
ang nagpapakita ng di mabubuting
halimbawa, gaya ngayon nitong ating
sa hudikatura nakikita natin?
Kung saan at alin ang nakatataas
ang tila sa asal at muni ang salat,
at bale wala ang panuntunang batas
na marapat sundin sa lahat ng oras;
(Pasintabi sa’ting Justices at lahat
na ng ‘Juez de Paz’ sa buong Pilipinas).
Lalong-lalo na kay Chief Justice Sereno,
na may ‘cloud of doubt’ na sa naturang punto
ang pananatili niya sa kanyang puesto,
sa kabila nitong ang ating Pangulo
at ilang kapuwa nga niya Mahistrado
ay di na masayang makasama ito?
Dahilan na rin sa umano’y paglabag
ni Madam sa ilang panuntunang batas,
at taas noo pa ring pagmamatigas
na di siya bibitiw sa posisyong hawak,
kahit Pangulo pa nitong Pilipinas
ang magpababa sa paraang di labag
Sa konstitusyon o mga panuntunang
marapat sundin ng mga mamamayan,
mga mahistrado’t nasa katungkulan;
at maging nitong ating kagalang-galang
na Pangulong ngayo’y nasa Malakanyang,
kasama pati na lahat ng opisyal.
Kung di siya ‘qualifi ed’ para sa posisyon
niya ‘as Chief Justice’ at/o Punong Hukom
(sa ‘highest tribunal’) sanhi ng kung anong
‘psychological test’ na ginawa nitong
ilang ‘psychiatrist,’ na siya diumano’y
di pasado yata sa ‘examination’;
Ano’t taas noo pang isinisigaw
ni Sereno na siya ay hindi bibitaw
‘as Chief Justice’ kaya sa ating pananaw
ay tila kawalan na rin ng paggalang
sa kanyang sarili at sa taongbayan,
na nagmamasid sa kanyang bawat galaw.
O nang dahil sa siya’y ‘appointee’ ng isa,
na matagal nang sa Palasyo wala na,
kung kaya patuloy na lumalaban pa
upang itong una ay may makasangga?
(Chief Justice Sereno… por delikadesa,
mas mainam na ang kayo’y bumaba na!)