ANG ISYU hinggil sa klase ng bakuna
na diumano’y imbes protektahan yata
n’yan laban sa dengue itong mga bata
na nabakunahan – nakababahala
Dahilan na rin sa ang pag-amin mismo
ng ‘manufacturer’ na di pala ito
para sa di pa nagka-dengue umano,
bago inihayag ang ‘side eff ect’ nito
Ito’y hindi simpleng bagay na maaring
basta ipagkibit-balikat ng ating
pamahalaan at nitong magagaling
na taga DOH, (lalo ng Kalihim).
Kung saan ang dating Pangulong Aquino
at kaalyado niya na umangkat nito
ay tumataginting na ‘millions’ siguro
ang sa kabang-bayan nila na-’dorobo’
At di na inalam ang tamang paggamit
nitong ‘Dengvaxia’ ng ating DOH,
kung kaya ang dulot ngayon ay panganib
sa tao imbes ya’y pangontra sa sakit
Eh, bakit kung kailan itong naturukan
ng bakunang ito’y libu-libo na riyan,
saka inihayag ‘in public’ ang ganyan
ng ating DOH ang kabaligtaran.
Kung saan ang di pa nagka-dengue pala
ay hindi marapat ineksyonan sila
nitong anti-dengue (o ng Dengvaxia),
pero ano’t ngayon lang sinabi nila?
Na ‘yan sa hindi pa nga raw nagkasakit
ng dengue ay bawal palang ipagamit;
Ano nga’t di agad kumilos ang lintik
na pangasiwaan ng ating DOH?
Para ipatigil ang pagbabakuna
sa lahat ng ‘public school’ sa’ting bansa,
na posibleng napakalaking pinsala
ang idulot nito sa kawawang bata.
Sa akala ba ng kung sinong Pilato
na may kinalaman sa bagay na ito,
ligtas sila sa mabigat na asunto
sakali’t habulin sila ng gobyerno?
Kasama pati na ang luma at bagong
opisyales ng ating DOH ngayon,
partikular na r’yan ang dating Pangulong
B.S. Aquino III at ‘Sanofi Pasteur’
Na ‘manufacturer’ ng naturang ‘product’
itong huli; at posibleng kasapakat
ang ilan sa dating DOH officials’;
na siyang responsable r’yan sa pag-angkat.
Buhay nitong mga batang naturukan
ng lintik na ‘anti-dengue’ na naturan
itong nakataya sa kasalukuyan,
sanhi ng kawalang ingat ng mga ‘yan.
Kaya di maaring sa bagay na ito
ay di mabahala ang magulang mismo
ng mga batang nalagay sa peligro,
dulot ng kapalpakan ng ibang tao.
Kaya nga’t marami na ang nagbabalak
maghabla na mga nasawi ang anak,
na naturukan ng hindi pala dapat
‘anti-dengue vaccine’ nating matatawag
Kundi ‘killer vaccine’ sa madaling sabi
pagkat ito’y wala naman palang silbi;
Gayong 3.5 billions ang pinambili
ng rehimeng Aquino, na nasayang pati!