NGAYONG patuloy ang paglaki ng bilang
ng ‘juvenile delinquency’ sa’ting bayan
sanhi marahil ng ‘bill’ ni Pangilinan,
na ang edad kinse, disisais, hanggang
disisyete ligtas sa kasong kriminal
pagkat protektado na rin ng CHR
Iyan ng dahil sa lubhang napasobra
ang naturang ‘bill’ sa pagbibigay niya
ng luwag at ‘constitutional rights’ nila,
dahilan na rin sa protektado sila
at di maaaring ikulong yan basta
kahit makagawa ng pagkakasala
Inabuso na n’yan ang saligang batas
na nauukol sa kanilang ‘human rights,’
sa kung anu-anong bagay na di dapat
mangyari gaya ng nagagamit sukat
ng mga kriminal, sa pangungulimbat
at iba pang illegal na aktibidad.
At dahil na rin sa tulad halimbawa
nitong ang edad n’yan ay katorse na nga
pataas – at hanggang disisyete yata,
di puedeng kasuhan kahit nakagawa
ng krimen – ya’y lubhang nakababahala
at posible nilang ikapariwara.
Sapagkat nang dahil na rin sa puntong yan
ay natural lang na anong pangamba n’yan
na makulong kaya todo pasa lamang
ang paggawa nila ng katarantaduhan;
magnakaw, mandukot, at kahit mang-agaw
ng pag-aari ng iba gagawin n’yan.
At sila sa isang banda ang malimit
gawing sangkalan sa di kanaisnais,
na aktibidad at gawang di malinis
ng mga halang ang kaluluwa’t isip,
pagkat protektado nga ng ‘bill’ ni Francis
ang menor de edad sa lahat ng saglit.
Sa ganang sarili po naming opinyon,
kung kami ang siyang inyong tinatanong,
ang batas ni Kiko dapat na sigurong
susugan at ating baguhin na ngayon;
gawing dose anyos pababa na itong
saklaw ng batas ng butihing Senador.
Pagkat itong edad katorse pataas,
puede nang gamitin ng mga alagad
ng kadiliman sa paggawa ng labag
sa batas, gaya riyan ng pangungulimbat,
liban sa pagpatay, dahil sila’y ligtas
makasuhan dala ng kay Kiko’ng batas;
Tulad na lang nitong kailan lang nangyari
sa magkababata d’yan sa Quezon City,
yan nang dahil lamang sa ‘charger’ ng cp
na naiwala ng nanghiram, ginulpi
nitong hiniraman ang kwenta kaklase
hangang sa mapatay ng isa ang huli.
At maging ang rambol na lubhang madalas
mangyari lalo sa malalaking siyudad,
yan kundi ng dahil sa kay Kiko’ng batas
yan ay mangingiming gumawa at sukat
ng anumang bagay na alam n’yang labag
sa ‘ting konstitusyon… na ikasisilat.
Kaya kung tayo ang siyang tatanungin
ay nararapat nang susugan marahil
ang batas hinggil sa pinanukalang ‘bill’
ni Kiko… at ito ay ibaba natin
sa dose anyos ang pasok sa nasabing
batas na marapat nating pairalin!