Home Headlines ASENSO TAYO

ASENSO TAYO

591
0
SHARE

MEDYO OVERLOADED ang dating ng Linggong ito: Ascension, Mother’s Day, at World Communications Sunday.  Kaya pasensya na kung medyo overloaded din nang konti itong homily na ito. May tatlong punto: Ascension, Mother’s Day at Communication.

Ok.  Simulan natin sa ASCENSION, na ang kahulugan ay hindi pag-akyat kundi pag-angat, sa Ingles LIFTING UP.  Kaya siguro sa England, ang tawag sa elevator ay LIFT—something that makes you ascend.  Ganyan din sa mga Frances at Espanyol: ascensor, ascenseur.  Mula sa ibaba, pwede kang dalhin sa itaas, pero pwede ka ring ibaba mula sa itaas.  Kaya siguro sa Filipino, naging larawan ang salitang ASENSO sa pag-angat ng kalagayan sa buhay—halimbawa, kapag ang dating gutom at hikahos ay guminhawa.

Sa ebanghelyo, sabi ni San Markos, “After he spoke to them, Jesus was lifted up into heaven and took his seat at the right hand of God.”  Sa Gospel of John walang kuwento tungkol sa ascension, pero may mga linya kung saan nababanggit ang tungkol sa ascension.  Halimbawa sa John 3:13, sinabi ni Hesus kay Nicodemus, “Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit.”

Umasenso ba si Kristo nang umakyat siya sa langit kung doon din naman siya nanggaling?  Hindi.  Sino ba ang umasenso?  Hindi ang pagka-Diyos niya kundi ang pagkatao natin ang dinala niya sa langit.  Kaya umakyat sa langit ang Anak ng Tao ay dahil niloob ng Anak ng Diyos na bumaba sa lupa at magkatawang-tao.  Sino ang umakyat?  Ang Anak ng Tao.  Sino ang bumaba?  Ang Anak ng Diyos.  Kay Kristo iisa lang ang dalawa. Kay Kristo naging iisang persona ang pagkaDiyos at PagkaTao: sa kanya natin nakilala ang Diyos na Totoo na naging Taong Totoo.

Ang pag-angat ng Anak ng tao bilang Anak ng Diyos ay bunga ng PAGBABA ng Anak ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao na bunga ng pag-ibig niya sa sangkatauhan.Ito ang bunga ng kenosis—nang umangat ang dangal ng tao dahil sa pag-ibig, nang bihisan ang ating mababang pagkatao ng mataas na dangal ng pagkaDiyos.

Dumako naman tayo ngayon sa MOTHER’S DAY.  Araw ng Panrangal sa mga nanay natin.  Hindi naman tayo pwedeng isilang sa mundo kung walang nanay na nagsilang sa atin.  Kaya ang Mother’s Day ay para sa lahat.  Hindi lang ang mga nanay natin sa pagkatao ang pinararangalan natin, kundi pati na rin ang mga nanay natin sa pagka-Kristiyano: si Maria, ang Ina na nagsilang sa Anak ng Diyos.  Kaya nga tinatawag natin siyang INA NG DIYOS.  Kung may mga nanay tayo sa pagiging mga Anak ng Tao, may nanay din tayo sa pagiging mga kapwa Anak ng Diyos:  Si Maria, ang Ina ng Panginoong Hesukristo, Ina ng nagdala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan.  Kaya siya tinawag na KABAN NG TIPAN:  ang pagkatao at pagkaDiyos ay pinagkaisa sa kanyang sinapupunan.  At ito rin ang dahilan kung bakit tinatawag natin siyang INA NG DIYOS.

Sa kanya tayo ipinagkatiwala ni Hesus, gayundin siya sa atin.  Siya ang bagong Eba, Ina ng sangkatauhan, upang sa pamamagitan niya ay matutuhan nating ituring ang sangkatauhan bilang ating kapamilya, ang bawat kapwa-tao bilang kapatid—kahit hindi kadugo, kakulay, o kalahi.

Kaya dumako na tayo ngayon sa KOMUNIKASYON.

Ang sinumang tumanggap sa pananampalatayang Kristiyano ay dapat maging bukas na makipag-ugnayan sa lahat.  Sabi ni Papa Francisco: TODOS, TODOS, TODOS—ibig sabihin, walang ineetsapwera, bukas sa lahat.  Alam naman natin na sa likas nating pagkatao, maraming mga balakid o hadlang sa pagtatagpuan natin: dugo, kulay, relihiyon, salita, kultura, atbp.  Mga aspeto ng pagkatao na madalas maging dahilan para ituring ang kapwa bilang IBA SA ATIN.  Katulad ngayon, halimbawa, sa ating mga Pilipino.  Dahil sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China tungkol sa usaping may kinalaman sa pangangamkam ng gubyerno nila sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea, naaapektuhan na tuloy pati ang relasyon natin sa mga Chinoy na kapwa natin Pilipino na nagkataon lang na may dugo o lahing Tsino.  Ang dami nga sa atin mga Pilipino na Tsino ang apelyido pero Pilipino.  Kailangan pag-ingatan natin na dahil sa reaksyon natin tungkol sa political tension sa pagitan ng mga gubyerno natin, ay baka maging racist naman tayo.  Hindi tama iyon.  Hindi naman ang mga Tsino ang katunggali natin kundi ang gubyerno nila at ang pambu-bully nito sa atin porke’t maliit lang tayo.

Ang kalaban natin ay sistemang imperyalista na walang paggalang sa ating kasarinlan.  Nilabanan natin ang kolonyalismo ng Espanya, pero hindi natin kinamumuhian ang mga Espanyol.  Nilabanan din natin ang imperyalismo ng Amerika, pero kaibigan pa rin ang turing natin sa mga Amerikano.  Nilabanan din natin ang pananakop ng mga Hapon, pero hindi na kalaban ang tingin natin ngayon sa mga Hapon.  Ganoon din sana sa usapin natin ngayon laban sa China—hindi mga Tsino ang kalaban natin kundi patakaran ng kanilang gubyernong nambu-bully sa atin.

Iangat natin ang ating dangal.  Hindi tayo magkakalaban, tayong lahat ay magkakapatid.  Tinawag tayong lahat na maging mga Anak ng iisang Diyos.  At kung may nanay tayo sa lupa, may nanay din tayong makalangit upang ilapit tayo sa Anak ng Diyos na siya lang makapagtuturo sa atin na tayong lahat ay magkakapatid.

(Homiliya Para sa Linggo ng Pag-akyat sa Langit, Araw ng mga Ina at Araw ng Pandaigdigang Komunikasyon, 12 Mayo 2024, Mark 16:16-20)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here