Duterte is in need of Advisors

    394
    0
    SHARE
    ISA SI ‘yours truly’ sa mamamahayag
    na kusang loob na kay Digong nag-ambag
    ng kahit gabinlid man lang na panulat
    upang ang pangalan niya’y lalong umangat

    At maging daan ng walang kahulilip
    na tagumpay nito sa kanyang ninais
    marating… na kanyang lubos na nakamit,
    sanhi ng sa kanya’y nagka-isang tinig

    Ng nakararaming mga mamamayan,
    na kung saan kahit ang total na bilang
    ng nakuhang boto ni Grace Poe at Binay
    ay pagsamahin mo di kayang tumbasan.

    Sa madaling sabi, nang siya’y maluklok
    na bilang Pangulo agarang kumilos;
    At ang kanyang unang tinutukang lubos
    ay itong pagsugpo sa bawal na gamot.

    Na kahit hindi pa nasawatang ganap
    Ay matagumpay na rin nitong nalansag
    Ang pasimuno ng bulto kung magtulak,
    At ang sinasabing dawit… otoridad?

    Lubhang marami ang kay Digong pumuri
    sa taglay niyang tapang bilang Presidente;
    At pagiging tapat sa pangako pati,
    kaya ang lahat na ay hanga parati.

    Pero nitong huli, nang dahil marahil
    sa pagiging padalus-dalos ng ating
    mahal na Pangulo,,, gaya kung murahin
    ang kapuwa… siya ay napipintasan din

    At kahit ‘in public’ sinabi niyang hindi
    na mauulit ay dahil sadyang gawi
    na marahil ni Sir… ito ang palagi
    nitong ‘bukambibig’ kahit pa ma’t mali?

    Sino na bang naging Pangulo ng Pinas
    ang sa taongbayan harapang naghayag
    ng kay Obama ay tuwirang pagkalas
    sa US, na dati na nating kayakap?

    Ang padalus-dalos at animo’y walang
    preno ni Dutere kung mangusap minsan
    ay nakasisira sa ‘image’ niya bilang
    ‘Head of State’ kaya dapat siyang gabayan

    Ng mga ‘Advisers’ niyang magagaling
    upang ang sa kanya’y magandang pagtingin
    ng sambayanan ay lubos manatiling
    walang baid dungis (magpahanggang libing)

    At maging ang ibang lider na pambansa
    sa dako pa roon ay lubos humanga
    kay Digong Duterte… at di upasala
    ang sa bandang huli ay kanyang mapala.

    Sa totoo lang ay mahusay talaga
    si Ka Digong sa paghawak niya ng renda
    kung kaya naman ang kasikatan niya
    ay tunay naman din na walang kapara

    Ang kapintasan nga lamang ni Ka Digong
    ay itong kumbaga’y kawalan ng kontrol
    ng silakbo rin ng sariling emosyon
    kahit ‘on the air’ o nasa Telebisyon.

    Di ba’t sabi ni Sir kaya niya kinuha
    na maka-tandem si Cayetano, para
    punahin nito kung hindi tama aniya
    ang pagkasabi (kung natatandaan pa?)

    At sana kahit na natalo si Alan
    ay pakinggan pa rin niya pamisa-misan;
    At itong iba pang kaalyadong tunay
    upang si Ka Digong malayong sumemplang!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here