(Ang tula na sinulat ng aking panganay na anak ang atin munang bigyan daan sa’ting isyu ngayon na may kaugnayan sa kasalukuyang problema ng bayan. At katulad din ng inyong abang-lingkod ay walang pangimi rin kung bumatikos sa gawang masama nitong di mabusog sa kaban ng bayang sa utang ay lubog)
GAWIN MO man yata ang lahat ng tamâ
para sa bayan mong pinaka-mumutyâ
marami pa rin ang dito tutuligsâ
na nagiging sagwil sa pinipithayâ.
Panahon pa man ng Kastila at Hapon
may mga taksil ng nabubuhay noon
mga makapiling alipin at kampon
ng mga dayuhang pinapanginoon.
Kamandag ng mga naging makapilî
tila naisalin sa kanilang lahî
sila yaong taong maitim ang budhî
na sa ating bansa naghaharing urî.
Sila yaong mga tiwaling opisyal
na sangkot sa drogang ipinagbabawal,
taong sumira sa malinis na dangal
nitong ating bayang pinakamamahal.
Mga pulitikong hindi na nagsasawâ
sa pangungulimbat sa yaman ng bansâ,
kung saan sanhi ng pagpapakasasâ
lalong dumami ang mga maralitâ.
Paano uunlad itong bayan natin
kung magkasalungat ang mga layunin?
At kung sa tuwina ay tutuligsain
ang tama’t mahusay na mga gawain.
Ating Inangbayang sakbibi ng dusa
dahil sa talamak ang bawal na droga,
ang problemang ito’y lalong sisidhi pa
kung hindi kikilos at magkakaisa.
Huwag hahayaang tayo ay magapî
ng mga angkan ng mga makapilî
pagkat kung sila ang dito’y maghaharî
pawang kasamaan ang mamamayanî.
Droga ang sisira sa kinabukasan
at isip ng ating mga kabataan,
ang pagsupo kapag hindi naagapan
bansa’y lalamunin nitong kadiliman.
Tayo’y makiisa , sa pakikibaka
ng pamahalaan sa salot na droga
kung may mga tulak mang itinutumba
isipin na lamang na sila’y nakarma.
Sa isang layunin para magtagumpay
dapat sa pagkilos ay maging masikhay,
kung kinakailangang kumitil ng buhay
gawin makamit lang ang mithiing tunay.
Puksain ang salot na mga demonyo
na nagsipag-ahon buhat sa impyerno,
sila ay di dapat mabuhay sa mundo
kasama ng mga mabubuting tao…
Vhelle V. Garcia
September 12, 2016
United Arab Emirates