Kung ganyang halos ay kauupo pa lang
ni Pangulong Duterte sa Malakanyang
ay marami na ang ‘drug pushers’ at ibang
sangkot sa gamot na ipinagbabawal
Itong sa gobyerno ay kusang sumuko
kaysa mata ng batas patago-tago
at kapag nahuli – sa karsel ang tungo,
kundi man posibleng buhay ay mapugto
Sakali’t lumaban sa ‘ting otoridad
ang mahulian ng tagong ‘illegal drugs’
nitong maatasang dapat magpatupad
ng pagdakip at/o mag-‘serve’ ng ‘search warrant’
At kung saan ang mga hinihinalang
nasa likuran ng bagay na naturan
ay may matataas yatang katungkulan
sa PNP at ang iba ay Heneral?
Base sa ‘statement’ na ipinalabas
ng Pangulo mismo, at hayag sa lahat
na ng mamamayan pati na sa labas
ng bansa ang isyu na kasindak-sindak!
At sadyang marapat tutukan ng pansin
ng husto ng ating mga magagaling
na personnel d’yan sa ‘intelligence’ natin
at Kagawaran ng Pagsisiyasat na rin.
Upang ang sinumang nasa likod nitong
anomalyang yan ay agad na matunton,
(At ihulog sa bunganga ng bulkang Mayon
nang di pamarisan ng ibang ulupong!)
Ito’y pasimula na ng katuparan
ng ipinangako ni Digong sa tanan,
na ‘within three to six months’ posible niyang
masugpo ang lahat ng kontrabando riyan.
Partikular na nga itong ‘illegal drugs’
na siyang puno’t dulo ng kriminalidad
sa lahat ng dako nitong Filipinas,
(na patuloy ang paglago oras-oras)
Kaya naman ilang araw pa bago siya
manumpa para sa pagka-Pangulo niya,
ang mga sumukong ‘pushers’ ay dagsa na
sa police precinct at barangay chairman pa.
At pag-upo nga niya’y umusad ng husto
ang panawagan niya sa bagay na ito;
Kasunod ng bantang walang sinisino
ang rehimeng Duterte sa gawang di wasto.
Nakapagtatakang yan ay di nagawa
ni PNoy nang siya pa ang Ama ng bansa,
sa anim na taon niyang pamamahala;
O ya’y sanhi ng siya’y sobra sa salita?
At kulang sa gawa kaya maaring
kahit simpleng bagay na dapat tanawin
sa kanya ng bayan walang pasubaling
nabaon sa limot at di naiparating?
At sana huwag namang magaya si Digong
sa sinundan niyang si Pangulong PNoy,
upang ang pag-unlad at ganap pagsulong
nitong ating bansa ay magtuloy-tuloy
Gayon din ang kanyang pagtutok sa bawal
na droga’t iba pang kahalintulad niyan
ay masugpo na rin nito ng tuluyan,
pati ang ‘corruption’ at grabeng nakawan.
At lahat ng sangkot dito sa illegal
na gawaing hindi natin ikarangal,
Iharap sa Korte kung kinakailangan
upang ‘true justice’ ang ganap na umiral!