COMELEC ang dapat sisihin

    324
    0
    SHARE
    Kung pagkatanggal o ‘disqualification’
    sa pagtakbo ‘for the forthcoming election’
    ang ‘grounds’ para sa mga kandidatong
    di pa man ay labag na sa regulasyon

    Ng COMELEC itong ginagawa nila
    gaya na lang nitong di pa man talaga
    ‘campaign period’ pero halos ang lahat na
    ay lantaran na riyang nakapangampanya.

    Na di man tuwirang masasabi nating
    ito’y isang uri ng ‘electioneering,’
    pero di ba’t paglabag nang maituturing
    yan sa Omnibus Code ng eleksyon natin?

    Kaya kung susundin ang mga marapat
    na aksyong kailangang lubos maipatupad,
    magmula ibaba hanggang sa itaas
    masasabi nating ‘disqualified’ lahat.

    At kung mayroon mang di pa nagparamdam
    (na ya’y kandidato) sa pamamagitan
    ng campaign posters at kung anu-ano pang
    nangakasabit na sa hayag na lugar

    Ay baka wala pa sa singko porsyento
    sa kabuoan ng bilang ng tatakbo
    para sa eleksyon sa buwan ng Mayo
    ang di pa naglagay r’yan ng kahit ano.

    Kaso, ito namang marapat kumilos
    para ipatupad ang dapat masunod,
    Hayan – kampante lang sa pagkakaluklok
    kundi man talagang ya’y tutulog-tulog

    Na kagaya nga riyan ng ating Komisyon
    sa Halalan, na siyang marapat umaksyon
    ngunit nang dahil sa yan ay usad-pagong,
    palaging huli kung sila’y magdesisyon.

    At kung saan kailan puno na ang EDSA
    sa ubod dami ng mga nagsabit na
    posters at ibang campaign paraphernalia,
    saka iniutos na tanggalin anila!

    Hindi ba malaking katarantaduhan
    o ng ika nga’y grabeng kapalpakan
    ang pinagagawa ng Comelec na yan
    kung pakaisipin sa puntong naturan?

    Kaya bunsod nito, kung kailan puno na
    ng campaign posters ang puno ng akasya,
    kable ng kuryente, bakod ng eskwela
    at iba pa saka lang kumilos sila.

    At ipinag-utos na yan ay tanggalin
    kung kailan pati ang ‘starts of the campaign
    period’ para sa pang-nasyonal mandin,
    ‘shall commence on February 9, 2016’.

    (At ang lokal ay sa March 26 naman
    kung kaya’t malinaw na kapabayaan
    ng ating COMELEC ang lahat ng bagay
    na nangyayari riyan sa kasalukuyan).

    Kung saan ang local government ang tiyak
    na mapipilitang iligpit ang kalat,
    gayong COMELEC ang magpalinis dapat
    pagkat sila itong pabaya at lahat.

    Dahil sanhi na rin ng kapalpakan niyan
    at pagiging bulag sa gampaning legal,
    Ang hindi matuwid ang nakasanayan
    at di itong batas na dapat umiral!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here