GAPAN CITY – Idineklara ñi Mayor Emary Joy Pascual ang suspensyon ng pasok sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa lungsod na ito para sa deklarasyon ng Pambansang Dambana ng La Vigen Divina Pastora bilang isang basilica minore sa darating na Biyernes, April 26.
Batay sa Executive Order No. 04 Series of 2024, wala ring pasok sa mga tanggapan ng gobyerno lokal man o nasyunal. Nasa desisyon naman ng pamunuan ng mga pribadong tanggapan kung magsususpinde sila ng pasok sa trabaho o hindi.
Ayon sa EO, sinuspinde ang pasok sa eskwela at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at kaayusan.
Layunin din nito na maiwasan ang sobrang pagsisikip ng trapiko. “Whereas, the event is expected to be joined by a great majority of the Roman Catholics, not only from the City of Gapan but from other cities as well to express their deep faith,” saad ng EO.
Gayunman, ang mga kawani ng gobyerno na nakatalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, traffic enforcement, disaster risk reduction and management, health and sanitation at mga katulad na tanggapan ay kinakailangang pumasok.
Noong ika-22 ng Enero ay inanunsiyo ng Diocese of Cabanatuan sa isang solemn declaration ang pagkilala sa National Shrine of Divina Pastora sa lungsod na ito bilang minor basilica na isasagawa sa April 26.