Paalala sa mga OFWS

    389
    0
    SHARE
    Balikbayan boxes nga kaya ang ugat
    sa katiwalian ng airport sa Pinas?
    Di ba ang BOC dati’y nagpahayag
    na ang bagahe ay marikisa dapat?
    Nang di mapagbigyan sa kanilang hangad
    huling hirit nila ay patawan ng tax

    Ang mga papasok na mga bagahe
    na pinadadala ng mga migrante;
    Halatang nais lang namang dumiskarte
    nitong mga taong napaka-salbahe
    sapagkat ultimong sardinas at kape
    papatawan ng tax, aba naman grabe!

    Dahil sa batikos na inani nila
    sa mga migrante at sa social media
    sila’y nanahimik, ngunit kapagdaka
    may bitag na pala silang iniamba;
    Sa palagay ninyo hindi kaya sila
    ang may pakana sa, laglag/tanim bala?

    Sapagkat kung ating pakalilimiin
    sa OFW ay gigil na gigil
    ang taga BOC at yan ay marahil
    hindi napagbigyan sa kanilang hiling;
    At dahil sila nga ay galit sa atin
    nabuo ang isang balak na maitim.

    Kahit na sino pa’ng may sayad ang utak
    di maglalagay ng bala sa kanyang bag;
    Ang tao pa kayang ang muni ay ganap
    itong sa sarili ang magpapahamak?
    Magdadala ba ng bala sa kanyang bag
    Ang sinumang wala ring bitbit na armas?

    Sa ganang amin ay taga airport mismo
    ang nasa lingkod ng pangyayaring ito,
    na serye ng ‘scam’ na biglang lumobo;
    At ngayon lang naman din nagkaganito,
    na nahulian ang ilang pasahero
    ng bala sa bitbit nilang kargamento.

    Maliwanag pa nga sa sikat ng araw
    na ang insidenteng yan sa paliparan:
    Ayon sa salita ng isang opisyal
    ay di problema ng gobyerno ang ganyan;
    Kapal pa ng mukhang ipangalandakan,
    OFW VOTES hindi niya kailangan?

    Mga kababayan, kung kayo’y aalis
    doon sa NAIA ay maging matinik
    huwag hahayaang, mayrong makalapit
    baka mataniman ang bag ninyong bitbit;
    Para siguradong walang maisingit,
    ang mga abubot balutan ng plastic.

    Huag magtitiwala kahit na kanino
    kung hindi kilala ay iwasan ninyo,
    Kahit sabihin pang sila’y empleyado
    ng airport sapagkat lubhang peligroso;
    Ang NAIA ngayo’y mistulang impiyerno
    dahil nagkalat ang maraming demonyo!

    Kahiya-hiya na itong ating bayan
    sa pinag-gagawa ng lintang kalabaw,
    Na kahit sa anong klase ng paraan
    ang nagkakapera ang mga damongkal;
    Ngayon lang kung saan ang ‘Tuwid na Daan,’
    ang ‘slogan’ ni Sir nangyari ang ganyan.

    Eh bakit nga hindi? Kasi di makayang
    Pastulin ni PNoy ang iba niyang kawan;
    Dala na rin nitong puro salita lang,
    Pati alipores n’yan sa Malakanyang;
    Sana bago sila bumabang tuluyan,
    Magpakita yan ng pagbabagong tunay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here