Sa unsolicited text ng Globe at Smart,
Na madalas kahit alanganing oras
Ay basta na lang n’yan sinisend at sukat
Itong iba’t-ibang klaseng promo nila,
Na kalimitan ay nilalamangan ka;
Gaya ng sa Globe kung naka-AC10 ka,
Dapat pa bang itext ang ‘Extend’ tuwina?
Para magamit ang ating natitirang
Load na pantawag at/o kaya pangtext d’yan?
At kapag di natin na-itext ang ganyan
Expired ang load kahit tayo ay may balance?
Bakit kailangan pang sa ganitong klaseng
Mabusising promo tayo n’yan pasimpleng
Ninanakawan ng binibili nating
Load sa araw-araw na pang-gamit natin?
Dapat pag-load natin ng sampu o beinte,
Wala ng marami pang che-che buretse;
Kung good for 2 days yan kanilang ipirme
At huwag idaan sa unfair na diskarte.
At ang isang bagay na talaga namang
Masasabi nating isang kabalbalan
Ay dili’t iba ang walang katuturang
Klase pa ng promo na itini-text n’yan
Sana naman tigilan na ang ganito
Ng tunay namang sa consumer perwisyo;
Minsan, kasarapan ng tulog ng tao,
Ay kung anong text lang ang matanggap nito.
Ikaw man bang ito ay di mabubuwisit
Kung panay ang dating ng ganitong lintik
Na text messages n’yan na aywan kung bakit
Lagi’t-lagi na lang at paulit-ulit?
Di na ba naisip man lang ng kung sinong
May idea nito na ya’y di malayong
Lilikha lang ng matinding kunsumisyon
Sa mga subscribers nitong cellular phone?
Nand’yan ang kung anong pa-contest o promo
Ng kung anong bagay na mayrun sa mundo,
Na hindi rin natin alam kung totoo
O isang uri lang din ng panloloko.
Subuking mag-text back, at sunu-sunod na
Ang dating ng message – magmula umaga
At hanggang hapon o kinagabihan pa;
Kung saan tunay namang magsasawa ka.
At anong posibleng kahantungan din n’yan
Kundi bawat sagot na i-text back mo riyan
Ay todo bawas sa prepaid load mong tangan
Hanggang sa ikaw nga ay ma-zero balance.
At ang isang bagay na baka di natin
Napag-uukulan ng matamang pansin,
Malamang pati ang sa kanila galing
Ay ikinakaltas din naman sa atin.
Papano nga kasi, lalo’t katulad n’yang
Wala naman yatang sumisita rin diyan,
Eh ano pa nga ba ang kahihinatnan
Ng ating hinaing kundi hinagpis lang?
Sapagkat kung wala rin namang reklamo
Na manggagaling sa atin na rin mismo,
Saan sa akala natin kabayan ko
Hahantong ang ganyan sa panahong ito?
(Na kung saan walang ngipin ang gobyerno
Laban sa negosyo ng malaking tao!)