Kapag ginusto may paraan

    199
    0
    SHARE
    Itong tirada ni Pangulo Aquino
    hinggil sa alin ang prayoridad nito
    Sa ibang bagay na labas sa Palasyo
    ang sumisira sa sarili niya mismo.

    Sanhi na rin nitong kung alin ang dapat
    daluhan ay siyang bale-wala’t sukat,
    Gaya nitong Martes nang dahil kay Roxas
    sumipot sa isang 1st class na restaurant

    Nang dahil nga lang sa ang biglang pagdalo
    ni PNoy ay para magpakita ito
    Ng suporta kay Mar sa pagkandidato
    nito sa daratng na buwan ng Mayo.

    At bagama’t hindi opisyal na lakad
    ay inuuna ng Pangulo madalas,
    Kung saan ang siyang daluhan niya dapat,
    ang di niya magawang harapin at lahat.

    Gaya noong iuwi ang SAF 44
    mula sa ‘killing fields’ ng parteng Mindanao,
    Ni anino yata ng ating Pangulong
    BS Aquino III di nakita roon?

    Gayong sina Binay at dating Pangulo
    Fidel V. Ramos ay naroroon mismo
    upang magpakita ng suporta nito
    sa naulila at mga naging balo

    Ng kaawa-awang mga kapulisan,
    na animo’y kusang ipinain lamang
    Nitong ilang matataas na opisyal
    ng PNP, na kagaya ni Heneral

    Alan Purisima, na kung tutuusin
    ay suspendido at wala sa tungkulin
    Nang makisawsaw yan sa opisyal manding
    operasyon na ang bunga ay malagim.

    Kung saan posibleng gustong maging hero
    at kumita pati ng millions siguro,
    Kaya nga kahit na siya’y suspendido
    nakialam – at para magpasikat ito?

    Batid ng lahat ang mga hinanakit
    at sakit ng loob ng mga tumangis
    Sa pagpanaw nitong isang buong ‘unit’
    ng SAF 44 na ang buhay ibinuwis

    Sa isang operasyon na hindi man lang
    pinlano yata ng kinauukulan
    Partikular nitong nasa Malakanyang
    kaya umabot sa di inaasahan.

    At pagkatapos ay parang bale-wala
    lamang kay PNoy ang pagkapariwara
    Ng apat na pu’t apat na parang kusa
    nilang pinakatay sa tigreng masiba?

    Ikaw man marahil ang kapamilya n’yan
    ay di ka nga kaya lubhang masasaktan
    Kung gaya n’yang parang bale-wala lamang
    sa ama ng bansa ang pangyayaring yan?

    Na higit binigyan niya ng importansya
    ang planta ng Mitsubishi sa Laguna,
    Kaysa dumalo sa pagsalubong nila
    sa labi ng mahal nilang kapamilya?

    Gayong kung talagang kanyang nanaisin
    ay pupuede namang ang kanyang unahin
    Ay ang ‘arrival’ ng kapulisan natin
    na dapat mabigyan niya ng unang pansin

    Kaysa sa pagdalo sa inaugurasyon lang
    ng isang planta ng Mitsubishi riyan,
    Na pupuede naman niyang ipagpaliban
    at ipagpabukas kung kinakailangan.

    Kaya nga marahil sa puntong naturan
    ay tama lang ang matandang kasabihan:
    Na kapag ayaw ay maraming dahilan,
    pero sa gusto ay lahat may paraan?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here