Mga ‘infomercials’ dagdag gastusin

    203
    0
    SHARE
    Kung ganyang ilang buwan pa bago sumapit
    Ang eleksyon ay di matutong magtipid
    Sa kung anu-anong klase riyan ng gimik
    Para lang mapansin ng ‘general public’

    Itong ngayon pa lang ay gumagasta na
    Ng milyones tiyak gayong matagal pa
    Bago maghalalan yan ay sobra-sobra
    Na sa sino pa man para imimorya

    Ang pangalan nila’t lubos matandaan
    Kung ano ang bitbit nilang katangian
    Para sila ang siyang ating ihahalal
    Comes year 2016, di na mabili yan

    Bagkus sa ‘wise voters’ di okey ang dating
    Partikular na riyan sa napakadaling
    Magsawa agad sa ‘infomercial’ manding
    Paulit-ulit na naririnig natin.

    At kung saan suma total sa puntong yan
    Bago pa sumapit ang ‘campaign period’ diyan
    Posibleng higit pa sa sasahurin niyan
    Sakali’t manalo ubos na diyan pa lang

    Kaya ano pa ang maasahan nating
    Uring serbisyo ang ibibigay sa ‘tin
    Kung bago ang lahat walang uunahin
    Kundi makabawi sa naging gastusin?

    At saan posibleng ang ganyan humantong
    Kundi sa talamak at grabeng ‘corruption?’
    Sanhi lamang nitong di man ay millions
    Na ang sinusunog nila sa eleksyon!

    At ang puno’t dulo syempre ay nakawan
    Sa kabang-bayan ng ating Inangbayan
    Ang mamayani sa lahat ng sangay
    Ng ating gobyerno ngayon at kailanman.

    Sapagkat kung laging ganyan ang sistema
    Na umiiral sa ating Republika,
    Na pinamugaran ng mga buwitre’t linta,
    Kailan pa ang Inangbayan giginhawa?

    Maliban na lang kung sa dinami-dami
    Nitong nagsasabi na handang magsilbi
    Para sa bayan at/o nakararami
    Ay sadyang matapat at maging mapuri.

    Pagkat mabibilang sa ating daliri
    Ang tunay at sadyang ginto ang kauri
    Sa panahong itong mahirap pumili
    Ng taong mabuti ang pag-uugali.

    Partikular na riyan sa nagkukumahog
    Kumandidato at tuluyang pasakop
    Sa larangang pakapalan lang ng apog
    Ang puhunan para marating ang rurok

    Na pinapangarap marating ninumang
    Ay adhikain ay pangsarili lamang,
    Maliban na lang sa iba, na ang tunay
    Na layunin nila’y serbisyong pambayan

    At di magpayaman para sa sarili,
    Na kagaya riyan ng mas nakararami;
    Kundi ng mahusay at matapat pati
    Na serbisyong dapat nilang ipagsilbi.

    Malayu-layo pa ang ‘Year 2016’
    Para mangampanya kaya mas mabuting
    Maglubay muna sa kanilang gastusin
    Sa ‘infomercial’ na nakasasawa rin!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here