Kay PNoy, sa ganang akin, di ‘effective’
Na solusyon upang itong pagnanais
Nating palitan siya, lunas ang kapalit
Nitong samu’t-saring mga kapalpakan
At iba pang kanyang mga kakulangan
Sa pangungubyerno sa kasalukuyan,
Na animo’y walang kabuluhan minsan
At kung wariin ay parang bale-wala
Lamang kay Pangulo na mapariwara
Itong katulad nga riyan halimbawa
Ng SAF 44 na nangalagas bigla
Sa Mamasapano ng dahil na rin sa
Kawalan nga r’yan ng tanggapan niya
Ng wastong pagkilos at pagdisiplina
Sa sarili’t mga kapwa ‘officers’ pa
At kung saan bunsod nitong kawalan din
Ng tanggapan niya nitong kung tawagin
Ay ‘chain of command’ sa tawag ng tungkulin,
Kaya ninanais siyang patalsikin
Nitong nagsusulong na siya’y bumaba
Na ng Malakanyang upang di lumala
Ang ganitong situasyon sa ating bansa,
Ng dahil sa bulok niyang pamamahala.
Pagkat sayang lang ang ating pagpapagod
Kahit pa man siya’y ating mapanaog,
Sa dahilang walang katiyakang lubos
Kung hanggang kailan ang kaso matatapos
Pero kagaya nga ng ating tinuran,
Yan ay hindi ang tunay na kasagutan
Sa panahong ito para mapalitan
Si Noynoy Aquino sa panunungkulan
Sanhi na rin nitong halos labing-apat
Na buwan na lang itong natitira’t lahat
Sa anim na taon niyang pamamalakad
Bilang Pangulo ng buong Pilipinas.
Tama at posibleng magagawa natin
Ang mapatalsik yan sa kanyang tungkulin,
Pero sinong maka-titiyak sa atin
Na ang makapalit ay di kagaya rin
Ni PNoy, (na ayon kay Leo Obligar
Ng channel 25 ay puro ngak-ngak lang,
At walang ginawa kundi ang kampihan
Ng ‘Chief Executive’ ang kanyang kabagang)
At baka lalo lang tayong magsisisi
Kung ang makapalit niya’y mas matindi
Ang kapalpakan at sa madaling sabi:
“Mentres lumalaon ay di bumubuti”
Kundi ng ika nga’y lalong sumasama
Kaysa dati, sabi riyan ng matatanda,
Isang kasabihang madalas ay tama
Ang tinutungo sa madaling salita!
Ano’t di na lamang nga nating hintayin
Na makatapos si PNoy sa tungkulin
Kaysa ang panahon natin ay sayangin
Sa magulong ‘rally’ na di dapat gawin?
Ilang buwan na lamang tiyak halalan na
May trapo at bagong magpapakilala,
Mula sa hanay n’yan makapamili ka
Ng napipisil mong iupo kumbaga
Bilang Presidente, Bise at ipa ba
Na mauupo sa Senado’t Kamara;
Tanggapin, sakaling sila’y abutan ka,
Pero iboto ang iyong kursunda;
(Na sa tingin mo at pagkakakilala
Ay mabuting tao at may Diyos talaga!)