Naganap na ang matagal nang inaayos na kasunduan ng mga kapatid nating Katutubong Ayta sa Clark at ng pamahalaan sa pamamagitan ng Clark Development Corporation (CDC) at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Pagkatapos ng mahigit na 16 taon, sa isang makasaysayang araw na ito, nilagdaan ang mga patakaran at alituntunin (Implementing Rules and Regulations) para sa pagpapatupad ng kasunduan para sa sama-samang pamamahala (Joint Management Agreement) kasama ang plano ng paggamit ng lupa (Land Use Plan) na bahagi ng plano na bumabalangkas sa lahat ng prayoridad sa pagpapaunlad at pangangalaga (Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan) ng lupaing ninuno (Ancestral Domain) sa pagitan ng pamahalaan at ng tribong Ayta.
Ang pangunahing layunin ng sama-samang pamamahala (JMA) ay upang kilalanin at itaguyod ang karapatan ng mga miyembro ng tribong Ayta tungo sa maunlad na pamumuhay ayon sa Batas Republika bilang 8371 o ang tinaguriang batas para sa karapatan ng mga katutubo (Indigenous Peoples Rights Act of 1997).
Lumagda sina Atty. Agnes VST Devanadera, CDC President and CEO, Oscar Rivera, Pinanlupuyan Mamuun ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) 025-A Indigenous Peoples Structure (IPS), at Atty. Atanasio Addog, Regional Director, National Commission on Indigenous Peoples Regional Office III.
Ang paglagda ay sinaksihan ng mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Mabalacat, Pampanga, at munisipalidad ng Bamban, Tarlac kasama ang mga miyembro ng tribong Ayta, at pamunuan ng CDC.