Mapalad ang mamamayan ng San Simon
sa pagkakaroon ng butihing Mayor,
sa katauhan ning Ginang Leonora Wong,
na masasabi kong “taga sa panahon”
Na kasabihan ng mga matatanda
at ng bukambibig ng mga makata,
na kapag sinabi ang ganyang kataga
para sa isang bagay, matibay ika nga
At hindi makayang sirain ng bukbok,
ng anay at iba pang magpaparupok
sa katatagan ng anumang bantayog
na di rin madaling igupo ng unos.
Ganyan si Mayor Wong sa pagkakilala
ni ‘yours truly’ dahil noon pa’y subok na
nito ang husay at kasipagang dala
ng hanggang ngayon ay kabarangay niya
Ang taong naturan sapol kamusmusan
kaya ano’t hindi ko masubaybayan
mula pagka-bata ang dula ng buhay
ng ngayo’y alkaldeng kilala kong tunay.
Kaya’t malaki man ang ipinagbago
ng kabuhayan n’yan sa panahong ito,
ya’y bunga ng pawis na tumulo mismo
sa walang dungis na sarili niyang noo.
(Di gaya ng iba nating pulitiko
na di malaman kung saan-saang bangko
itatago pati ang perang gobyerno,
na nakurakot sa kanilang proyekto).
Sa kabuuan ay mailalarawan
natin si Mayor Wong, na kabaligtaran
siya nitong ibang nasa pamahalaan
na ang yaman nila’y kwestyonale minsan.
At maging sa kanyang tungkuling marapat
gampanan ay wala ring maipipintas
dahil aktibo siya sa kung anong sukat
kailangang gawin sa kanyang komunidad.
Sa panahon lamang ni Wong nagkaroon
ng pagdiriwang ng “Araw ng San Simon,”
ng Himno ng Bayan at pagbigay honor
Sa mga “Outstanding” anak ng San Simon.
Ang Bise Alkalde’y katuwang parati
ni Wong sa lahat na ng ikabubuti
at ikauunlad ng ‘civil society;’
(At sa pamalakad magkasundo pati).
Aywan lang kung ano ang kadahilanan
nitong sa sarili ay naobserbahan
natin sa ibang magagaling na Konsehal,
hinggil sa ‘official duties’ nitong ilan.
Kung saan ayon sa nakalap na datos
ni ‘yours truly’ mula mismo d’yan sa loob
ng S.B. ay wala yatang pirming pasok
ang mga yan para gampanan ng lubos
Ang tungkuling sila ang humingi mismo
sa kabalen upang sila ay iboto,
pero matapos ay di magtatrabaho,
aba’y anong klaseng lingkod-bayan ito?
Na sapol maluklok sa panunungkulan
ay di pa rin yata nagka- ‘quorum’ man lang,
kaya suma-total anong maasahan
sa ganyang uri ng Sangguniang Bayan?
At ang isang bagay na kapuna-puna,
na di karaniwan sa mata ng masa
ay itong kung bakit di dumalo sila
nitong nakaraan naming pagselebra
Sa “Foundation Day” ng bayan ng San Simon,
na kung saan tanging dalawang Councilors,
itong sumipot sa naturang okasyon,
nang walang naman din yatang ‘valid reasons’
Itong anim kaya masasabi nating
yan ay kawalan ng respeto pa mandin
sa sarili at sa inakong tungkulin,
na di n’yan magawang sa bayan ay tupdin!