HINDI nagkamali ng kanyang hinuha
si ‘yours truly’ sa sinulat niyang paksa
hinggil sa ngayon ay ating ninanasa
na mapatalsik ang Pangulo ng bansa
Bunsod nitong mga samut-saring isyu
ng paglabag sa’ting Konstitusyon mismo,
na kung saan nga ay sinampahan ito
ng ‘impeachment complaint’ sa ating Kongreso.
Pero katulad nga ng inaasahan
ng marami at ni ‘yours truly,’ di man lang
umabot ng isang oras sa bulwagan
ng Batasan itong sumbong na naturan
Ay pinatay na ng mga kaalyado
ng Malakanyang ang tatlong uring kaso,
dahil ‘insuffi cient in substance’ umano
at tila iisa lang ang pinupunto?
Gayong ang lahat na ng laman ng sumbong
ay pawang labag sa ating Konstitusyon
at sapat ang mga bagay na natukoy
upang mapatalsik si Pangulong PNoy
Pero kagaya nga ng ating nasabi
sa sinundan nito, tiyak mangyayari
ang hinala nating sa kawalang silbi
ng lahat ng ating mga pagpursigi
Na maipanalo ang ‘impeachment complaint’
natin laban sa isang ‘notorious president,’
na umano nga ang sumbong ‘insufficient
in substance’ (kung kaya ‘of no legal effect?’)
At kahit marahil ‘sufficient in substance’
ay di lulusot ang ‘complaint’ sa Batasan,
dala ng malinaw na katotohanang
kakampi ni PNoy ang ‘eighty percent’ diyan.
Ikaw man bang ito na busog sa PDAF
ay papabor laban sa grupo ni Tupaz,
Rufus Rodriguez at iba pang “kaanak”
ni PNoy sa dami ng perang nasikwat?
Natural lamang na hangga’t magagawa
ng mga yan pilit ididepensa nga
si PNoy kahit na talagang di tama
ang lahat ng bagay na pinag-gagawa!
At natural din sa panig ng nagsampa
ang sila’y magpuyos sa galit kumbaga,
ngayong ang lahat na ng nagawang sala
ng ating Pangulo pinagtakpan nila.
At nabale wala ang pinagpaguran
nilang inihandang sumbong sa Batasan,
na ni hindi man lang nga nila binigyan
ng ilang minuto para pag-usapan
O talakayin ang nilalaman nito
kahit man lang sana ng ilang segundo,
Kundi yan ay ‘outright’ na dinismis mismo
ni Rufus Rodriguez at kasama nito.
Kaya sa puntong yan ay walang umiral
kundi ang pagiging lubhang mapagbigay
ni PNoy sa kanyang mga “kabarilan”
ayon sa tawag ni Ka Leo Obligar,
(Na isa sa ilang piling indibidual
at komentarista sa kasalukuyan,
na hinahangaan sa taglay niyang tapang
magbilad ng tunay na katotohanan).
Anu’t-ano man ang posibleng marating
ng mga pagkilos na maaring gawin
nitong sa ‘impeachment’ ay ‘disappointed’ din
ay kaisa namin kayo ng damdamin
At dumadalanging nawa’y di humantong
ang pagpapatalsik kay Pangulong PNoy
sa magulong ‘rally’ na magiging rason
nang muling pagsulpot ng isa pang Macoy!