Tama na, sobra na

    520
    0
    SHARE

    SA PAKIWARI ko ay moro-moro lang
    itong pagkapasa’t pagdeklara nilang
    umano ay ‘sufficient in forms and substance’
    ang ‘impeachment complaint’ na isinampa riyan

    (Sa Kongreso) laban kay Pangulong PNoy,
    sanhi na rin nitong tama’t naisulong,
    pero pagdating sa loob, ilan doon
    ang maasahang sa ‘impeachment’ papabor?

    (Yan kumbaga sa isang ipapa-ospital
    ay baka hanggang sa naipasok lamang
    kundi man ika nga ay ‘dead on arrival’
    na yan bago mai-akyat sa hagdanan)

    Bunsod na rin nitong kakampi n’yan halos
    ang karamihan sa umano’y binusog
    Sa PDAF at DAP na sabi’y nakurakot
    ng mga yan dahil sa pekeng NGOs

    Ni Janet Napoles, na itinuturong
    utak ng lahat na at kung papaanong
    nakakulimbat ng daang-daang milyon
    mula sa DBM kung di nagkaroon

    Ng sabuwatan sa pagitan nina Abad
    at Miss Napoles kung yan ay walang basbas
    ng Palasyo para makapagpalabas
    ng napakalaking halagang nasikwat

    Na ipinamudmod daw ng Malakanyang
    sa Congress at Senate upang makuha niyan
    ang suporta nila para ipatanggal
    si Justice Corona sa ‘Highest Tribunal.’

    Sa puntong yan saan sa akala natin
    ang ‘impeachment complaint’ posibleng pulutin
    kung di sa kangkungan ngayong itong ating
    mga mambabatas sa kanya makiling?

    At maging ang kanyang ambisyong habaan
    ang ‘terms of offi ce’ nito sa Malakanyang,
    Na aniya’y di siya ang may kagustuhan,
    kundi ang kanyang ‘Boss’ o ang taongbayan.

    Yan sa ganang aming sariling opinyon
    ay palusot lamang ni Pangulong PNoy
    upang palabasing taongbayan itong
    nagnanais bigyan siya ng ‘term extension’

    Sa pamamagitan nga ng pag-amyenda
    ng mga Solons sa Batas Republika,
    na kung saan limitado sa anim na
    taon lang dapat ang ‘term of office’ niya;

    O ng sino pa mang umupong Pangulo
    mula ipairal ang batas na ito,
    maliban na lang kung igiit nga nito
    ang ‘charter change’ para muling makatakbo

    Na kabaligtaran nitong sinasabi
    ni PNoy, na aniya’y taongbayan kasi
    ang may gusto para maging Presidente
    siya ng isa pang ‘term of office’ bale;

    Na lubhang malayo sa katotohanan,
    dahil kung totoong sa panunungkulan
    niya ay ‘satisfi ed’ itong mamamayan,
    ano’t marami ang di nasisiyahan?

    Dala nang kawalan ng isang salita
    at sa Konstitusyon ay paglabag kusa?
    Kung saan pati na ‘highest court’ ng bansa
    di niya sinusunod at tinutuligsa?

    Yan ba ang lider na nanaisin baga
    na muling maupo ng ‘constituents’ niya?
    Sa ganang akin ay maglubay na siya,
    sa kahihirit ng isang termino pa;

    At alalahanin ang yumaong ama,
    na kabaligtaran ng ngayo’y gawa niya;
    Mas makabubuti ang mamahinga na,
    bago bulyawan siyang tama na, sobra na!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here