(KARUGTONG NG SINUNDANG ISYU)
BAGAMAN kay mister direktang paghamak
ang pangyayaring yan kanya pang sinikap
kinuyom sa dibdib ang pait at saklap,
dahil na rin sa kaisa-isang anak.
Na ayaw niyang mahiwalay sa kanya,
kaya mapait man nilulunok niya
maitago lamang ni mister sa mata
ng anak ang pagiging kiri ng ina.
At kahit malamig ang pakikitungo
ni misis, si mister nagsawalang-kibo
pagkat pilit pa rin nitong binubuo
ang pamilya, dahil sa mahal na bunso.
Bunga na rin nitong ang kanyang asawa
ay lubhang makapit sa sintas ng ina;
Kaya malaki man ang sa ‘parents’ niya
ay di mapilit na doon muna sila
Tumira kahit man lang pansamantala
habang di pa nila kayang magpagawa
ng sariling bahay – at dahil ayaw nga
ni misis, siya na ang nagpaubaya.
At dahilan na rin sa lubhang malamig
ang pakikitungo ng biyenan at misis,
sa bahay ng kanyang magulang malimit
umuwi si mister, ‘fi ve to six days a week’
Pero hatid-sundo pa rin sa asawa
kung saan si misis ay isang maestra;
At nahinto lang yan nang i-‘request’ siya
sa Middle East ng isang kapatid niya
Subalit matapos nitong matuklasan
na ang asawa niya pala ay tuluyan
ng nakisama sa kinalolokohan,
at sa bahay mismo ng biyenan pumisan;
Nagpasiyang umuwi nang wala sa oras
upang gumawa ng aksyong nararapat
para mapanagot ang taksil na kabiyak
nang naaayon sa ‘ting saligang batas.
At ang malinaw na magpapatotoo
sa naturan ay ang nakuhang litrato
ni mister mula sa ‘facebook profile’ mismo
ng kanyang asawa at ng kabit nito.
Na siya ngayong ginamit na ebidensya
ng tunay na mister nang ito’y magsampa
ng ‘administrative case’ laban sa isa
para matanggal sa pagiging maestra.
Bunsod n’yan, at dahil na rin sa posibleng
si misis ay wala nang malamang gawin
upang ang demanda ni mister mapigil,
ay itong huli ang tinangkang takutin
Sa pamamagitan ng ya’y kinasuhan
ng pambubugbog at kung anu-ano pang
klaseng pananakot para iurong lang
ni mister ang kaso sa DepEd ni Madam.
Ganun pala’t bakit kung di lang umabot
sa puntong sumingaw ang ginawang bulok
nila ng kabit niya ay di pina-abot
sa otoridad ang aniya’y pambubugbog
Ng kanyang asawa kundi nga lang nitong
ang immoral niyang gawa ay isumbong
sa ‘DepEd’ kung sadyang ika nga’y totoong
sinasaktan siya? (‘Perjury’ ang ganun!)
At marapat lang na pati itong biyenan
ay masampahan din ng kasong kriminal
sa D.O.J. upang kanyang panagutan
ang paglulubid ng kasinungalingan.
Sino sa akala nitong kusintidor
na biyenan, ang mapaniwala ang hukom,
na binubugbog ang kanyang anak, gayong
magkakasama yan sa iisang bubong?
Ang isang lalaki ubod man ng tapang
ay di gagawin ang bagay na naturan,
partikular sa bahay ng kanyang biyenan
sapagkat pihong siya ay malilintikan!