(KARUGTONG NG SINUNDANG ISYU)
PAGKAT mas mainam na syempre ang siya
Ay nasa sariling pamamahay nila,
Na kung saan higit sa lahat ay dama
Ang tunay na diwa ng kaarawan niya
Sa piling ng kanyang mga minamahal
Na nagmamahal din sa kanya ng tunay,
Na ninanais din namang masilayan
Ni Mam sa nasabing natatanging araw!
Eh bakit nga kaya animo ay ilag
O may halong kaba kundi man pag-iwas
Ng Sandigangbayan ang di n’yan pagpayag
Kay Madam Gloria na ito’y makalabas
Diyan sa Veterans Memorial Hospital,
Gayong siya’y kwenta magdiriwang lamang
Sa Lubao, Pampanga ng 67th niyang
Maligayang araw ng kapanganakan?
Takot ba kumbaga ang Administrasyon
Kung kaya ang hiling ng dating Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo’y di gustong
Pagbigyan kahit na mga tatlong araw?
Dala ng pangambang baka matakasan
Ng dating Pangulo ang ibinibintang
Na pagkakasala ng mga kabagang
Ni Pangulong PNoy sa Sandigangbayan?
Na kung saan dapat bilang ‘bar of justice’
Ay maging patas yan sa lahat ng saglit
Sa kahit kanino pa mang nililitis
Na taong gobyerno ng ‘Administrative’
O kasong kriminal upang di isipin
Nitong taongbayan na ang batas natin
Ay may tinitingnan at iba ang tingin
Sa tinititigan kung bibigyang pansin?
O sadyang ganyan na itong umiiral
Sa ating gobyerno sa kasalukuyan,
Kung saan ika nga ay ‘weather, weather’ lang
At kampi-kampi ang unang tinitingnan?
Gaano kabigat kung nagkasala man
Si Mam sa panahon ng panunungkulan,
Kumpara sa noon ay ibinibintang
Na kasong subversion na kinasangkutan
Ni Ninoy – at siya ay nahatulan na
Ng ‘death by musketry’ pero pinigil ba
Ni Marcos ang biahe n’yan ng Amerika
Para magpagamot dahil may sakit siya?
Ganun din naman si Pangulong Estrada
Nang makulong dahil sa naging kaso niya,
Pero pinayagan ng Pangulong Gloria
Para magpagamot din sa Amerika.
Ano’t ngayong si Mam Macapagal naman
Ang maysakit at siya’y nagnanais lamang
Na makapagdiwang ng kanyang kaarawan
Sa kanyang bayan at sariling tahanan
Ay ayaw payagan ng pamahalaan
Gayong ang sa kanya’y akusasyon pa lang?
Yan sa ganang ating pananaw kabayan
Ay panggigipit na ng nasa likod niyan.
At di lalayo sa ating sapantaha
Na ang puno’t-dulo nito ay baka nga
Itong sa Luisita ay di inakala
Nitong sinuman ang mukhang nagpalala!?