Oca, inindorso ng di kapartido

    553
    0
    SHARE

    Ngayong ang butihing Gobernador mismo
    Ng Pampanga ang kay Oca nag-endorso
    Sa pagka-Congressman ng kanyang distrito,
    Nakatitiyak na siya ng panalo.

    Laban kay incumbent Congressman Gonzales
    (Na kabilang sa ‘pet’ at kasanggang dikit
    Ni Ginang Arroyo – pero nang maipit
    Sa intriga si Mam, na nagmalasakit

    At tunay naman ding sumuportang lubos 
    Upang ang pangarap ni Dong ay maabot,
    Sukat bang iwanan sa gitna ng laot
    Nang ang bangka nitong isa ay palubog?

    At iniligtas n’yan ang kanyang sarili
    Sa inaakalang pagkalunod pati
    Kapag ang bangka ng dating Presidente
    Ay di tinantanan ng bagyong matindi!)

    Kaya hayan – kahit magkasangga dapat
    Sila ni ‘Nanay’ ay si Oca at lahat
    Ang inindorso at kwenta itinaas
    Ni Gob ang kamay ng dating mambabatas

    Upang maihalal bilang Kinatawan
    Sa 3rd District nitong ating lalawigan
    Bagama’t si Oca ay isang Liberal
    At kasangga bale ni Among sa laban

    Pero ano’t si Oca ang inindorso
    Ni ‘Nanay Baby’ at hindi si Aurelio
    Kung hindi higit na may tiwala ito
    Sa kakayahan ng mahusay na tao?

    Ya’y dahil na rin sa higit mahalaga
    Sa butihing gobernador ng Pampanga
    Ang makapagsilbi sa lahat-lahat na
    Ng walang anumang kulay pulitika.

    At dahil likas kay ‘Nanay’ ang pagiging
    Makatuwiran sa pagtupad ng tungkulin,
    Kapartido’t hindi pareho ang tingin
    Ni Gob pagdating sa marapat harapin

    At ikabubuti ng serbisyong bayan
    Ng ni wala naman ding kinikilingan,
    Dala na rin nitong pagkapantay-pantay
    Ng kanyang paglingap sa nasasakupan. 

    At bunsod tiyak ng lubos na tiwala
    Ni Gob sa kakayahan ni Mayor Oca,
    Di man katiket ay siyang pinili nga
    At hayagang ikinampanya sa madla.

    At di alintana kung ya’y matatawag
    Na ‘unfair’ para sa kasangga niya dapat,
    Sapagkat kung sino ang karapat-dapat
    Para kay Gob ang siyang matimbang sa lahat.

    Anong masama kung ibang partido man
    Ang hiningi niyang ating suportahan,
    Kung higit sa lahat ay batid nga niyang
    Si Oca ang dapat na maging Congressman?

    Subok na kasi at taga sa panahon
    Kumbaga sa isang klaseng punongkahoy
    Ang tibay ng paninindigan ni Mayor
    Kaya’t suportado siya ni Governor.

    Isa pa, parehong serbisyo matapat
    Sa bayan ang natatangi nilang hangad,
    Kaya kapag yan ay parehong pinalad,
    Ang buong Pampanga pihong papalakpak!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here