GUIMBA, Nueva Ecija – Isang 14-anyos na estudyante ang namatay sa pagkalunod matapos na umano’y atakihin ng epilepsy habang nanghuhuli ng dagang bukid sa irrigation canal sa Barangay Narvacan ng bayang ito pasado ala-1 ng hapon nitong Linggo.
Ang biktima ay nakilalang si Lynger Linsangan, residente ng Purok Sampaguita, Barangay Pacac dito.
Ayon sa saksi na si Rolan Magbitang, 50, nakita niya ang binatilyo na nanghuhuli ng daga subalit hindi nagtagal ay napansin na nalulunod na ito.
Sa imbestigqayon ng pulisya, lumalabas na mabilis isinugod ni Magbitang si Linsangan sa Guimba District Hospital subalit idineklara itong dead on arrival ng duktor sa nabanggit na pampublikong pagamutan.
Sinabi naman ni Roger Linsangan, ama ng biktima, na may epilepsy ang kanyang anak at hinihinalang inatake ito na naging sanhi ng pagkalunod.
Hiniling ng Guimba police na isailalim sa autopsy examination ang mga labi ng biktima.
Ang tinatawag na dagang bukid ay kinakain sa ibang mga pamayanan sa Nueva Ecija.