GEN. MAMERTO NATIVIDAD, Nueva Ecija – Tiniyak ng alkalde ng bayang ito na kanilang tinutugunan at sinisikap isaayos ang mga sira-sirang lansangan na inirereklamo ng kanilang kababayan at manlalakbay.
“Provincial road po yan, dapat province po magpagawa, pero LGU (local government unit) pa rin po nagpapagawa,” komento ni Mayor Anita Arocena sa trending social media post hinggil sa sira-sirang bahagi ng lansangan papasok ng bayang ito mula sa lungsod ng Cabanatuan.
Ayon sa alkalde, grabe naman talaga ang mga daan na kanyang dinatnan nang siya ay maupo subalit “ginagawan naman po ng paraan pero sobrang lalaki po dumadaan na mga dump truck.”
Ipinalawanag ni Arocena na kailangan nilang paghati-hatiin sa mga pagawain sa buong bayan ng Gen. M. Natividad ang kanilang pondo, mula Barangay Luna hanggang sa Mataas na Kahoy.
“Huwag pong mag-alala ginagawa naman po (ang) mga ibang nasisira di lang po kayang pagsabay-sabayin,” dagdag ng punongbayan.
Ipinunto ng alkalde na hindi lamang sa bayang ito kundi sa buong Nueva Ecija ay maraming sirang lansangan.