Kung anong nag-udyok kay Tarzan Lazatin
Upang tumakbo siya sa 2013
Bilang alkalde ng Angeles, posibleng
Sulsol ng kung sinong kulang lang sa pansin
At maaring dating “daga” sa city hall
Nang si Cong Tarzan pa ang ‘sitting mayor’
Ng Angeles ang may pasimuno nitong
Pagbago ng ihip ng hangin sa ngayon
Sa pagitan nina Lazatin at EdPam,
Na batid po nating magkasanggang tunay
At di basta na lang kapwa sumasakay
Sa kung anong isyung di dapat patulan
Pero kung totoong imbes sa Kongreso
Ay sa pagka-Mayor ng Angeles mismo
Ang puntirya ni Cong , baka nga siguro
May nagsulsol kay sir para gawin ito.
At di nga malayong dating kasamahan
Ni Lazatin itong may mga personal
Na interes lang ang nanira kay EdPam,
Para sa sarili nilang kapakanan.
Gaya halimbawa nitong mga dating
Tao sa city hall ni Tarzan Lazatin,
Ya’y natural lang na nananaginip din
Na mag-mayor muli ang kanilang bossing
Dala na rin nitong kasabihan nga riyan
Sa anumang bagay ay ‘weather-weather’ lang;
Iba ang kay Tarzan kumpara kay EdPam,
Ganun din ang kina Nepo o ninuman.
Sa puntong ang naging mitsa ay posibleng
‘Double cross’ ayon sa naririnig natin,
Yan sa ganang aming mga pang-sariling
Pananaw ay hindi makakayang gawin
Ni Mayor Pamintuan sa kahit sinumang
Itinuturing niyang mga kaibigan,
Partikular na sa tulad ni Congressman
Na ang prinsipyo ay di matatawaran.
Kung napabalita mang si Yeng marahil
Ang umano’y nais nitong tangkilikin,
Ya’y baka tsismis lang na ipinarating
Ng kung sinong sipsip kay Tarzan Lazatin.
At sa personal ko ring pagkakilala
Kay EdPam di siya katulad ng iba
Na maglalaglag ng tunay na kasangga
Sanhi ng personal na interes lang niya.
(Na lubhang malayo sa pag-uugali
Ng iba na walang tiyak na kakampi
Kundi ang personal na interes lagi
At pagiging ‘selfish’ ang namamayani).
Nagtataka rin nga itong si ‘yours truly’
Kung bakit si Cong ay tatakbong Alkalde
Gayong noong huling magkausap kami
Ay mariin nitong sa aking sinabi
Na di Mayor kundi Kinatawan pa rin
Ng 1st District pagkat di niya nanaising
Maglaban sila ni EdPam sa tungkuling
Kapwa sila naging mga ‘Outstanding’
At naging uliran din naman pareho
Sa panunugkulan sa ating gobyerno
Kaya para maging magkalaban ito
Ay di natin dapat patulan siguro
Kundi patibayin sa isang pagkilos
Na nagkakaisa upang ang bantayog
Ng nagawa para sa kanilang lungsod
Ay mapanatiling matibay na moog.
At di na makayang pasukin ng ‘tulog’
Na kalaban nila ang kaban ng lungsod,
Na noon ay tunay naman ding nasimot,
Sanhi ng matinding milagro sa loob!