Naging palasak na bilang kasabihan
Sa kultura natin itong kung lagi kang
Nangangako pero hanggang salita lang
Ay talo mo pa ang pulitiko minsan.
Yan ay karaniwan nang ibinabansag
Sa sinumang hindi marunong tumupad
Ng kanyang pangako’t mga pangungusap;
Ay sa pulitiko inihahantulad
Ang ganyang taguri sa dahilang sila
Itong kung mangako ay karaniwan na
Yatang napapako, kaya kung ganyan ka
Ay talo mo pa ang marami kumbaga
Na tunay naman ding ito ay totoo
At di maikakaila na marami nito
Sa kapaligiran natin kabayan ko,
Lalo’t paparating ang halalan mismo.
At di man panahon ng ating eleksyon
Ay karaniwan na rin sa iba ngayon
Itong kung mangako yan sa mga taong
Nakakausap ay palaging ganoon.
Gaya na lang nitong sa Congress pa mandin
Ang tila target n’yan sa ‘year 2013,’
Na nangako sa isang titser na humiling
Kay sir nitong aniya ay isang pahangin
O ng bentilador para sa ‘classroom’ niya,
Na ngayon ay mahigit dalawang taon na
Ang lumipas pero ito ay hindi pa
Ibinigay yata ng nag-pledge sa kanya.
Liban sa ‘request’nitong taga Tacasan,
Na pinangakuhan din nitong bibigyan,
Ng kung anong hiling nilang kagamitan
Pero hangga ngayon di pa naaksyunan.
Gayong ayon na rin sa mismong staff niya
Ang dapat bilhin ay may ‘purchase order’ na,
At ide-deliver na lamang anila
Kapag ang lahat na yata’y kumpleto na?
Kailan daw talaga ang tanong sa akin
Ng mga nag-request o nitong may hiling
Kay sir nitong sabi ay handa nang bilhin,
Ngunit ‘till date’ nga ay tila wala pa rin.
Sa puntong yan kahit ako’y di direktang
Kasali sa bagay na napag-usapan,
Dahil ako itong madalas hilingan
Na kung maari ay pakisabi naman
Kay sir ang pangako nitong ‘electric fan’
Ay nakadarama ako ng awa riyan,
Pagkat umaasa pa ang titser na yan
Na matutupad ang kanyang kahilingan
Ganun din naman ang magdalas magbilin
Na isa sa mga pinangakuhan din
Nitong pulitikong tinutukoy natin
Na puro pangako daw ang alam gawin
Sabi pareho n’yan tuwing magkikita
Kami sa Capitol o kahit saan pa,
Sa panahon ng pagpunta-punta nila
Kay sir sa matao niyang opisina.
Bagama’t sa isyung aking tinalakay
Ay wala naman din po akong personal
Na kaugnayan ay minabuti ko lang
Na iparating sa kinauukulan
Ang hinaing nila at baka sakaling
Ang hinanakit n’yan ay magamot natin
Bago man lang itong halalan dumating
Upang di kung saan sila makarating
At bilang ‘reminder’ pati sa kabaro
Nitong ating ‘subject’ ay matuto na po
Sana kayong maging tapat sa pangako;
At di sa pangakong laging napapako!