Home Headlines 9,000 Tarlakenyo, tumanggap ng ayuda mula sa DSWD

9,000 Tarlakenyo, tumanggap ng ayuda mula sa DSWD

596
0
SHARE

LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — May kabuuang 9,000 indibidwal mula sa lungsod ng Tarlac ang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program o SLP ng Department of Social Welfare and Development of DSWD.

Bawat benepisyaryo ay nabigyan ng limang libong piso sa loob ng tatlong araw na pay-out ng DSWD sa Kaisa Convention Hall at Tibag Evacuation Center.

Ayon kay DSWD SLP National Program Management Office OIC-Director Rigel Kent Villacarlos, layunin ng programa na makapagbigay ng kapital sa mga benepisyaryong nais magtayo at magpalago ng kanilang mga negosyo.

Paliwanag ni Villacarlos, kabalikat ng kanilang ahensya ang pamahalaang lungsod ng Tarlac sa pagsuri at pagpili ng mga kwalipikadong indibwal para sa SLP.

Matapos ang pay-out, magtatakda ang DSWD ng isang taon at walong buwang incubation period upang i-monitor ang estado at progreso ng bawat benepisyaryo.

Kasabay ng programa, namahagi ng vitamins, grocery packs, face masks, 60 bola para sa basketball at volleyball, 15 bisikleta at 15 computer tablets ang Tanggapan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Sa kanyang mensahe, nanawagan si Go sa mga benepisyaryo na palaguin at gamitin ng tama ang tulong-pinansyal na kanilang natanggap.

Sa usaping kalusugan, itinampok ng senador ang Malasakit Center na may programang medikal para sa mga nangangailangan.

Pagtitiyak niya, patuloy niyang isusulong ang iba’t-ibang programa na makakatulong sa mga residente ng Tarlac katuwang ang lokal na pamahalaan. (PIA 3)

May 9,000 indibidwal mula sa lungsod ng Tarlac ang tumanggap ng tig-limang libong piso sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development. (PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here