Home Headlines 9 na minero huli sa illegal quarrying sa Bulacan

9 na minero huli sa illegal quarrying sa Bulacan

609
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO at kapulisan ang siyam na illegal na nagmimina ng escombro sa Sitio Batia sa barangay Lambakin, Marilao.

Hindi makapagpakita ng mga kaukulang permit ang may ari at operator ng quarry operation kaya naman agad na inaresto.

Ayon kay BENRO Head Julius Victor Degala, tinatayang nasa 470.5 cubic meters ng escombro ang nakuha mula sa mga minero na nagkakahalaga ng 16,762 piso.

Ang mga illegal na escombro na nakumpiska matapos ang isang anti-illegal quarry operation ng pinagsanib na pwersa ng Bulacan Environment and Natural Resources Office at kapulisan sa Sitio Batia sa barangay Lambakin sa Marilao. (BENRO)

Kasama na rito ang mga manu-manong gamit sa pagmimina gaya ng 100 piraso ng sinsil, apat na pala, tatlong bareta, tatlong palakol, at isang maso na gagamiting ebidensiya laban sa kanila.

Nahuli ng otoridad ang may-ari at operator ng quarry kasama ang kanyang walo pang tauhan.

Samantala, binigyang diin naman ni Gobernador Daniel Fernando ang kanyang kagustuhang tuluyang mawakasan ang illegal quarrying sa lalawigan at muling nilinaw ang layunin ng Executive Order No. 21-2022.

Paiigtingin anya ang operasyon laban sa iligal quarry para tuluyang wakasan na ito.

Wala anyang sasantuhin ang pamahalaang panlalawigan at tinitiyak na lahat ng magsasagawa ng iligal na quarrying ay mananagot sa batas lalo na at hindi pa naman nali-lift ang kanyang Executive Order No.21.

Matatandaan noong nakaraan buwan, nahuli rin ang iligal na pagmimina ng escombro sa barangay Camangyanan sa Sta. Maria gayundin ang pagkaka-aresto sa mga indibidwal na nagbebenta ng escombro gamit ang social media.

Buhat ng magsimula ang kampanya ng BENRO, apat na dump truck na may kargang escombro na walang permit ang nakumpiska at naka-impound sa Provincial Engineering Office sa Guiguinto.

Mayroon ding 98 sasakyang lumabag sanhi ng walang accreditation sticker, 21 sasakyang na walang delivery receipts/transaction slips, tatlong sasakyang may kargang mineral na labis ang dami at tatlong illegally operated areas. (CLJD/VFC-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here