Halos buo na ang bagong tayong Bustos Flyover. Ito na ang magiging pang-apat na flyover sa Bulacan na target mabuksan sa kalagitaan ng 2022. (Shane F. Velasco/PIA 3)
BUSTOS, Bulacan — Pinapatigas na ang konkretong semento na ibinuhos sa paakyat, ibabaw at pababa ng bagong tayong Bustos Flyover.
Ayon kay Mark Lester Castro ng Department of Public Works and Highways Bulacan First Engineering District, ito ay bahagi ng progreso sa nagagawa sa flyover na umaabot na sa 85 porsyento na overall completion rate.
May haba itong 210 metro na tumatawid sa ibabaw ng panulukan o crossing ng Plaridel Bypass Road at General Alejo Santos Highway sa bahagi ng Bustos.
Nakatayo ang Bustos Flyover sa northbound lane ng Plaridel Bypass Road sa direksiyon na patungo sa San Rafael.
Nasa 200 milyong piso na ang nagugugol ng ahensya para sa magiging pang-apat na flyover na naitayo sa Bulacan.
Taong 2003 nang unang maitayo ang Baliwag flyover na kalapit na bayan ng Bustos.
Sinundan ito ng pagkakaroon ng flyover sa Malolos noong 2004 at sa Bocaue noong 2006. Nasa kasagsagan naman ang konstruksiyon ng San Rafael flyover na magiging panglima.
Kapag nabuksan ang Bustos Flyover sa kalagitnaan ng 2022, ito ang magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa panulukan ng Plaridel Bypass Road at General Alejo Santos Highway. (CLJD/SFV-PIA 3)