LUNGSOD NG CABANATUAN — Sa kanyang edad na 84 taon, hindi mahuhuli si
Dominga “Nana Omeng” Puyat, residente ng Barangay Daang Sarile ng lungsod na
ito, sa husay sa pagsayaw sa anumang “zumba” music, dahilan para siya ay
taguriang “Zumba Lola” ng Nueva Ecija.
Ngunit ang hindi batid ng marami ay si Nana Omeng, na isang dalaga, ay survivor
sa dalawang uri ng cancer – sa ovary at colon – na kanyang pinagdaanan mahigit
20 taon na ang nakararaan.
“Yung pagsu-zumba ko malaki ang naitulong, malakas ang aking katawan, ang
aking kalusugan ang inalagaan ko,” wika ni Nana Omeng sa panayam ng Punto!
Para sa kanya, ang pisikal na gawaing ito ay hindi lamang pampaganda ng
katawan kundi pangangalaga sa kalusugan.
Natatagalan pa nga raw niya ang limang oras na pagsu-zumba nang hindi umiinom
ng tubig, bagay na naitala ng isang online site na nag-dokumento sa zumba
session ng seniors group na binubuo ng mahigit 30 senior citizens sa kanilang
barangay.
Pinagkalooban siya ng P5,000 gantimpala para sa naturang partikular na sesyon.
Umaani na rin ng milyun-milyong views ang kanyang mga video sa iba’t social
media platforms.
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2022/08/received_778195439978601-1024x591.jpeg)
“Diyos ang lumikha sa atin, ang Diyos lang din ang may karapatang kumuha,”
pagbabahagi ni Nana Omeng sa kung paano siyang hindi nawalan ng pag-asa sa
kabila ng mga pinagdaanang karamdaman.
Taga-Barangay Aduas siya ngunit pinili niyang mamuhay sa piling ng kanyang
dalawang pamangkin, isang lalaki at isang babae na kapwa na rin mga senior
citizen at katulad niya’y walang asawa sa Barangay Daang Sarile.
Hindi nakapag-asawa si Nana Omeng kahit marami ang nanligaw sa kanya noong
kanyang kabataan dahil pinili raw niya ang makapagpatuloy ng pag-aaral. Ayon sa
kanya, nasa 22-taong gulang na siya nang makapasok ng pag-aaral sa Wesleyan
University-Philippines at mula rito’y itinuloy ang Bachelor of Science in
Commerce-Accounting sa Araullo University, kapwa sa lungsod na ito.
Dahil sa hirap ng buhay ay itinaguyod niya ang sariling pag-aaral sa pamamagitan
ng pananahi.
“May mga nanligaw sa akin pero wala sa isip ko yun dahil pag-aaral lang ang
ambisyon ko,” sabi niya.
Nang magkaroon ng kanser noong 1990s ay ang kanyang mga pamangkin ang nag-
asikaso sa kanya.
Nagtataka umano siya noong palabasin siya ng ospital ngunit walang sinabing
anumang bawal ang kanyang duktor. “Ako na ang nagtanong. ‘Doc, ano ang bawal
at puwede kong kainin?’” Sinagot daw siya na kainin niya lang lahat ng gusto
niyang kainin.
Makalipas ang isang taon ay saka lamang sinabi ng kanyang mga pamangkin na
inaasahan raw kasi ng duktor na mamamatay siya sa loob ng linggong iyon.
“Magdasal. Number 1 ang prayer e,” ang payo ni Nana Omeng sa mga nagdaraan
sa katulad ng kanyang mga naranasan. Gayunman ay kailangan rin aniya ang
disiplina at pag-iingat sa katawan.
Samantala, patuloy na humahakot ng papuri at award si Nana Omeng sa iba’t
ibang zumba showdown.