Home Headlines 8 repatriated OFWs nakatanggap ng tulong sa Bulacan LGU

8 repatriated OFWs nakatanggap ng tulong sa Bulacan LGU

115
0
SHARE
Si Bulacan Gov. Daniel Fernando kasama ang walong repatriated Bulacan OFWs. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakatanggap ng tulong nitong Lunes mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang walo mula sa 343 repatriated overseas Filipino workers na umuwi mula sa Middle East na apektado ng banggaan ng mga bansang U.S-Israel at Iran.

Ang walong OFW ay personal na sinalubong ni Bulacan Gov. Daniel Fernando at binigyan ang mga ito ng tig-P10,000 cash assistance, dalawang kabang bigas, food packs, at kahon ng prutas mula sa Kapitolyo.

Ayon kay Fernando, sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office ay tutulungan ang mga nagsiuwi na OFW na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng buwanang jobs fair.

Samantala, nagpasalamat naman ang mga repatriated OFW na ito sa Kapitolyo maging sa Philippine Embassy sa Kuwait, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration sa pagtulong sa kanilang paglikas at ligtas na makauwi ng bansa.

Kwento ng mga OFW na nasa 12 oras daw na naglakad ang mga OFW upang makahingi ng tulong na hindi alam kung makakauwi ng ligtas sa Pilipinas.

Ayon sa OFW na si Hannah Marjorie Cal, 11-taon na siyang nagtatrabaho sa Kuwait bilang domestic helper. Sa kasagsagan ng bombahan ay naranasan daw nila doon ang malalakas na pagsabog at pagyanig ng lupa.

Nais na daw niyang makauwi at tinulungan siya ng kanyang amo na makalapit sa Philippine Embassy at kalaunan ay naibalik siya ng bansa.

Samantala, kahapon ay una nang sinalubong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at binigyan din ang mga ito ng tulong sa pamamagitan ng OWWA at DMW.

Ang mga napauwi kahapon ay binubuo ng 317 OFWs at 26 dependents na mula sa mga bansang Kuwait, Bahrain, Qatar, at Saudi Arabia na lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City bandang 6:30 a.m. na lulan ng chartered flight ng Philippine Airlines.

Ang pagpapauwi na ito sa mga OFW mula sa Gitnang Silangan ay hakbang ng gobyerno na mapauwi ang mga Filipino na apektado ng tensyon sa nasabing rehiyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here