Ang sitwasyon ng mga nabiktima ng sunog habang pansamantalang nananatili sa evacuation center. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Walong pamilya na nawalan ng tahanan dahil sa naganap na sunog sa Barangay Sto. Cristo dito ang nakikisilong sa evacuation center sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine.
Sa eskwelahan ng nasabing barangay pansamantalang pinatuloy ang mga biktima ng sunog at kada dalawang pamilya ang pinagsama sa iisang kwarto.
Dahil dito ay hindi na nasusunod ang social distancing at pagsusuot ng face mask.
Ayon kay Cezar Capule, barangay kagawad, patuloy nilang pinapa-alalahanan ang mga evacuees na obserbahan ng social distancing habang nasa pansamantala nilang tirahan.
Aniya, nilagyan nila ng tent ang bawat silid ng paaralan para sa pamilya na narito upang masunod ang physical distancing at bibigyan din nila ng face mask ang mga evacuees.
Samantala, ayon sa Bureau of Fire Protection sa Malolos, 10 bahay ang natupok ng sunog Biyernes ng madaling araw na umakyat sa ika-apat na alarma.
Kabuuang 13 pamilya ang apektado ng sunog at ang lima dito ay nakituloy muna sa kanilang mga kaanak habang ang walo ay nasa evacuation center.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog at halaga ng mga ari-arian na natupok.