8 bakla ginawaran ng parangal sa Bataan

    352
    0
    SHARE

    BALANGA CITY – Walong bakla sa kauna-unahang pagkakataon ang pinarangalan Linggo ng gabi dito dahil sa natatangi nilang ambag sa larangang kanilang ginagalawan.

    Ayon kay Jenedio Alonzo, isa sa mga binigyan ng parangal, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang nabibilang sa third sex ay pinarangalan sa Balanga. “Masuwerte ako at napabilang ako sa ganitong award na babaunin ko habang ako’y nabubuhay,” sabi ng fashion designer.

    “Sa mga bagong henerasyon, hindi hadlang ang kahirapan basta mabuti ang kalooban at marunong makisama, uunlad ka,” payo nito sa mga batang bakla.

    Ang parangal na ginanap sa Plaza Mayor de Balanga ay bilang pagpupugay sa nabibilang sa hanay ng mga lesbian, gay, bisexual at transgender o LGBT sa nag-iisang component city ng Bataan. Pawang nasa 50 taong gulang pataas ang mga tumanggap ng pagkilala.

    Bukod kay Alonzo, tumanggap din ng parangal sina Magtanggol Diaz bilang barangay kagawad at Benjamin Raya dahil sa kanyang galing sa paggawa ng bibingka kaya tinagurian siyang “Reyna ng Bibingka.”

    Kabilang din sa mga awardees ang magagaling na fashion designers na sina Lino Mallari, Mauricio Mendoza, Reggie Pascual, Mario Enrico at Jose Dabu. Ipinakita ng kanilang mga modelo na pawang mga bakla rin ang kanilang katangi-tanging mga creations.

    “Sana sundan kami ng mga batang bakla na gayahin ang aming layunin at naising makatulong sa kapwa,” sabi ni Enrico na may sariling parlor.

    “Natutuwa ako na sa Balanga pala hindi lamang iginagalang ang mga homosexuals bagkus pinaparangalan at iniaangat pa,” sabi naman ni Bemz Bendito ng Ladlad Partylist.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here