8 bahay tupok sa sunog sa Bataan

    361
    0
    SHARE
    DINALUPIHAN, Bataan – Walong bahay na karamihan ay gawa sa kahoy ang nilamon ng apoy Martes ng hapon sa isang sitio sa barangay Pagalanggang, bayan ng Dinalupihan na ang tawag ay Pag-asa.

    Ayon kay Senior Fire Inspector Reynaldo Pineda, Dinalupihan Bureau of Fire chief, tinatayang humigit-kumulangt sa P100,000 ang halagang sinira ng apoy. Wala namang nasaktan o nasawi sa nangyaring sunog  na nagsimula ng ala-4:01 ng hapon at agad namang na-patay alas-4:25 ng hapon ding iyon sa pamamag-itan ng fire truck ng nasabing bayan.

    Kasalukuyan pang iniimbistigahan kung ano talaga ang pinagmulan ng apoy, sabi ni Senior Fire Officer Dennis Ednilao na nagkakabit ng Fire Prevention Month streamer sa kanilang fire truck.  Ginugunita ang buwan ng pag-iingat sa sunog mula Marso 1 hanggang 31.

    “Kahit kaldero, kahit anong kasangkapan wala kaming nailigtas. Sana matulungan kami ng gobyerno para may masilungan kami,” sabi ni Susan Yumol, 42, isang taga-ani ng mais.  Mga kapit-bahay lamang, aniya, ang nagbibigay sa kanila ng damit na maisusuot sapagka’t maysakit ang kanyang asawa at nasa maisan siya nang mangyari ang sunog kaya wala silang nailigtas.

    Sinabi naman ni Irene Manuel na nasunugan ng kusina ng bahay na nagsimula ang apoy sa isang kubong gawa sa kawayan at kugon at mabilis na gumapang ang apoy sa katabing bahay na gawa sa hollow blocks.

    Inalog-alog ng may-ari ang hollow blocks na natira at bumagsak ito na parang nilindol. Sinubukan ng ilang bata at matanda na halukayin ang nasunog sa pagbabaka-sakaling may mapakinabangan pa.

    “Walang nailigtas kahit damit ang mga nasunugan at pati manok, bibe at asong bagong panganak kasama ang mga tuta ay nasunog din,” sabi nito.

    Kahit sa mga katabing niyog at punong-kahoy ay bakas na bakas ang dila ng apoy sa mga ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here