Home Headlines 78 micro rice retailers sa Zambales tumanggap ng cash assistance mula sa...

78 micro rice retailers sa Zambales tumanggap ng cash assistance mula sa DSWD

369
0
SHARE

IBA, Zambales (PIA) — May kabuuang 78 micro rice retailers sa Zambales ang tumanggap ng tig P15,000 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP)-Cash Assistance for Micro Rice Retailers na tugon ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga maliliit na negosyanteng apektado ng implementasyon ng Executive Order (EO) No. 39 o ang pagpapatupad ng price ceiling sa bentahan ng regular-milled at well-milled na bigas.

Ayon kay DSWD Regional Office III SLP Social Marketing Officer Sanne Ray Soro, ang mga natukoy na benepisyaryo ay sinertipika at inendorso ng Department of Trade and Industry (DTI) na katuwang ng ahensya sa naturang programa.

Dumaan rin aniya sa beripikasyon at profiling ang mga micro rice retailers.

Kinakailangan din silang mag-presenta ng orihinal at kopya ng kanilang government-issued ID tulad ng Philippine Identification Card at Pantawid Pamilyang Pilipino Program ID.

May kabuuang 78 micro rice retailers sa Zambales ang tumanggap ng tig P15, 000 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program-Cash Assistance for Micro Rice Retailers. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)

Matapos matanggap ang cash assistance, magsasagawa rin ang DSWD-SLP ng monitoring kung saan at paano nagastos ang naturang subsidiya.

Kaugnay nito, nagpasalamat ang 70 taong gulang na si Estelita Gapasin mula sa bayan ng San Narciso kay Pangulong Marcos sa ayudang natanggap.

Aniya, malaking tulong ito para sa kanilang mga rice retailers na makabawi sa kanilang pagsunod sa EO 39.

Samantala, binigyang diin ni DTI Zambales Provincial Director Enrique Tacbad na ang EO 39 ay hindi direktiba upang pahirapan ang mga rice retailers bagkus ay solusyon ng pamahalaan upang agarang masolusyunan ang sobrang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan.

Nilinaw rin ni Tacbad na walang krisis o shortage sa bigas at tanging naging problema lamang ang biglaang pagtaas ng presyo.

Inaasahan aniya na bago magtapos ang buwan ng Setyembre hanggang simula ng Oktubre ay mayroon nang suplay ng bigas na siyang magpapababa sa presyo nito. (CLJD/RGP-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here