LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nasa 777 barangay sa buong Nueva Ecija ang sumailalim sa Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) sa taong ito.
Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsasagawa ng BECA upang mapalawak ang aktibong pamamahala ng mga barangay sa implementasyon ng Solid Waste Management (SWM).
Ayon kay DILG Local Government Operations Officer II Lyka Dimalanta, sa pamamagitan ng naturang pagtatasa ay nakikita ang mga gampanin at isinusulong na mga inisyatibo ng barangay sa pagtutok sa wastong pangangasiwa ng mga basura.
Ilan rito ay ang pagkakaroon ng functional na Barangay SWM Committee, pagkakaroon at pagpapatupad SWM Action Plan o Program at ng mga ordinansa na “No Segregation No Collection,” “No Littering, No Dumping, at Open Burning,” gayundin ang pagkakaroon at napakikinabangang Material Recovery Facility, at iba pa.
Sa buong Nueva Ecija ay siyam na barangay mula sa municipal at city category ang nakapagtala ng pinakamataas na grado sa katatapos lamang na Provincial Validation ng BECA.
Pare-parehong pasok sa ikatlong pwesto sa municipal category ang mga barangay ng Quezon, Talugtug; San Mariano, Santa Rosa; at Victoria, Llanera; samantalang, nasa ikalawang pwesto ang Canaan East mula sa bayan ng Rizal at ang Dimasalang Norte sa bayan ng Talavera.
Nakapagtala ng pinakamataas na marka sa municipal category ang Barangay Pesa mula sa bayan ng Bongabon na magiging kinatawan ng lalawigan sa Regional Assessment ng BECA.
Para naman sa city category ay mananatiling pambato ng lalawigan na nakapagtala ng pinakamataas na grado ang barangay Sangitan West sa lungsod ng Cabanatuan, na sinusundan ng barangay Marcos Village, lungsod ng Palayan na nasa ikalawang pwesto at ang Catalanacan, lungsod agham ng Muñoz na pasok sa ikatlong pwesto.
Ang dalawang Best Performing Barangay sa lalawigan ay nakatakdang makatanggap ng P30,000 at tutungtong sa susunod na pagtatasa sa rehiyon.
Ang Provincial Assessment Committee ng BECA sa Nueva Ecija ay binubuo ng DILG, Department of Environment and Natural Resources- Provincial Environment and Natural Resources Office, Provincial Government Environment and Natural Resources Office, Philippine Information Agency at Civil Society Organization na Papagayo Inc. (CLJD/CCN-PIA 3)