Home Headlines 77 detenido sa Bataan jail kumpirmadong positibo sa Covid–19

77 detenido sa Bataan jail kumpirmadong positibo sa Covid–19

736
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ng provincial health office ngayong Lunes na kabilang ang 77 detenido o persons deprived of liberty (PDL) sa 99 na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan, batay sa pinakahuling report noong Linggo.

Sinabi ni Balanga City health officer Dr. Mart Banzon na patuloy pang inaalam kung paano nakuha ng mga PDL sa Bataan provincial jail ang impeksiyon.

Ang mga ito, aniya, ay agad dinala sa isang isolation facility ng lungsod.

Ayon sa PHO, ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Covid19 ay umakyat sa 4,523 na ang 461 ay mga aktibong kaso matapos madagdag ang 99 na bago samantalang tumaas naman sa 3,955 ang mga nakarekober nang magtala ng bagong siyam.

Bukod sa 77 PDL, ang iba pang bagong kumpirmadong kaso ay lima mula sa Pilar, apat sa Balanga City, tatlo sa Dinalupihan, tig-dalawa sa Orion, Mariveles at Abucay, at tig-isa sa Orani, Bagac. Limay at Samal.

Ang bilang ng bagong kumpirmadong kaso ang pinakamataas na naitala sa isang araw sa taong ito, sabi ng PHO.

Ang mga bagong nakarekober ay tatlo mula sa Abucay, tig-dalawa sa Balanga City at Mariveles, at tig-isa sa Orion at Pilar.

Isa ang bagong namatay – 51-anyos na lalaki sa Mariveles – kaya umakyat sa 107 ang bilang ng lahat ng nasawi sa virus.

Ayon pa rin sa PHO, 6,783 medical frontliners na ang nabakunahan laban sa Covid19.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here