70 baboy kinatay sa Bulacan

    350
    0
    SHARE
    PANDI, Bulacan – Humigi’t kumulang sa 70 baboy ang kinatay sa isang babuyan dito batay sa rekomendasyon ng mga international at domestic experts kahapon upang matukoy kung paano nagkaroon ng ebola reston virus (ERV) na dati ay sa mga unggoy lamang nakikita.

    Ang pagkatay ng baboy ay bahagi ng 10 araw na misyon ng mga kinatawan mula sa United Nations Food and Agriculture Organization (UN-FAO), World Health Organization (WHO), at World Organization for Animal Health (OIE) na tumutulong sa mga Pilipinong dalubahasa sa kalusugan ng mga hayop.

    Ayon kay Dr. Samuel Animas, isang beterinaryo ng Department of Agriculture (DA), layunin ng imbestigasyon na matukoy kung paano nagkaroon ng ERV sa mga baboy.

    Sinabi ni Animas na 70 baboy ang kanilang kinatay mula sa babuyang isinailalim sa quarantine mula noong Disyembre, upang kumuha ng tissue samples mula sa lalamunan at atay ng mga baboy.

    Ang mga baboy na kinatay ay inilibing upang makatiyak na hindi na iyon kakainin at upang hindi makahawa sakali mang may virus.

    Bukod dito, kumuha din ng 70 blood samples mula sa mga buhay na baboy ang mga dalubahasa.

    Ayon kay Animas, nakipag-usap na ang gobyerno sa may-ari ng babuyan hinggil sa pagbabayad sa mga kinatay na baboy.

    Bawat isang baboy na kinatay ay babayaran ayon sa kasalukuyang presyo sa mga pamilihan.

    “Babayaran ng gubyerno yung mga baboy na kinatay at the prevailing price, pati yung pagkain ng baboy since na magsimula ang quarantine,” sabi ni Animas.

    Sinabi rin niya na ang mga babuyang pinagkatayan ng mga baboy ay mananatili sa ilalim ng quarantine, samantalang pagbebenta ng karneng baboy sa Singapore at nanantiling kanselado.

    Ayon naman kay Dr. Carolyn Benigno, ang animal health officer ng FAO, matapos nilang suriin ang mga tissue sample ay isusumite nila ang kanilang rekomendasyon sa gubyerno.

    Sinabi niya na bukod sa pagsusuri sa mga baboy, iimbestigahan din nila ang kapaligiran ng babuyan kung may mga unggoy o mga paniki doon na maaring pinanggalingan ng ERV.

    Samantala, sinabi naman ni Dr. Mario Baquilod  ng Department of Health na nananatiling ligtas ang tao sa ERV dahil wala pang naiiulat na nahawa.

    Ipinaalala rin niya na dapat lutuing mabuti ang karneng baboy upang makatiyak na walang virus.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here