7 sa 8 nagka-A(H1N1) balik eskwelahan na

    352
    0
    SHARE
    BULAKAN, Bulacan—Nagbalik na sa eskwela ang pito sa walong mga estudyante na nagpositibo sa influenza A (H1N1) sa Donya Candelaria Meneses Duque High School (DCMDHS) sa bayang ito matapos ang sampung araw na suspensyon ng klase bilang bahagi ng quarantine period.

    Isa sa walong estudyanteng nabanggit ang hindi pa nakabalik sa klase ngunit ayon sa unang pahayag ni Dr. Joy Gomez ng Bulacan Public Health Office ay magaling na rin ito.

    Wala namang bakas ng pangamba sa mga estudyante ng naturang eskwelahan sa kanilang pagbabalik eskwela kahapon.

    Normal na nagbalik sa eskwela ang mga ito at kumuha pa ng mga examinations.

    Wala rin isa man sa mga estudyante dito ang nakitang nakasuot ng face masks.

    Ayon sa isang 2nd year na estudyante ng nasabing paaralan na nagpositibo sa A(H1N1), walang dapat na ipangamba ang publiko sa naturang sakit dahil ito ay mild lamang.

    Ikinuwento ng babaeng estudyante ang kanyang karanasan sa naturang sakit.

    Aniya, bagamat siya ay nagpositibo sa A(H1N1) ay hindi naman siya naratay at dumanas lamang ng tatlong na araw na sinat.

    Hindi rin aniya naapektuhan ang kanyang timbang at magana pa rin siyang kumain kaya’t mabilis ang kanyang recovery.

    Hindi rin naman aniya natatakot sa kaniya ang kaniyang mga kaklase at sabik na ulit siyang makapag-aral.

    Pinayuhan din niya ang mga kapwa mag-aaral na labanan ang naturang sakit sa pamamagitan ng pagpapalakas ng resistensya at pag-inom ng mga vitamins.

    Samantala, sinabi ni Maria Candelario, principal ng DCMDHS na patuloy pa rin ang kanilang pagmamanman sa kanilang mga estudyante kung mayroon pang dadapuan ng lagnat.

    Pinayuhan din ng principal ang mga estudyante na huwag ng pumasok sakaling may nararamdaman itong sintomas ng trangkaso.

    Magkakaroon din aniya ng  anim na araw na Saturday classes ang kanilang eskwelahan upang mabawi ang mga araw na nawala dahil sa quarantine period.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here