OLONGAPO CITY- Nahulog sa bitag ng pulisya ang anim na drug pushers sa magkakahiwalay na drug operation sa Zambales at sa lungsod na ito.
Huli sa Brill St., Barangay West Bajac-Bajac ang suspek na si Jason Flores, 27, ng Barangay Tabacuhan, Sta Rita matapos na magbenta ng P300 halaga ng shabu sa isang police poseur-buyer at narekober sa pag-iingat nito ang limang plastic sachet ng shabu.
Sa Barangay Mabayuan, arestado ang suspek na si Joey Viray, 41, ng No. 25 Otero Avenue, kung saan nakuha sa pag-iingat nito ang apat na plastic sachet ng shabu. Nadakip din ang magkapatid na Anthony at Jomar Rodillas, residente ng No. 780 Marilag St., Barangay Sta. Rita kung saan nakuha sa pag-iingat ng mga ito ang limang pirasong plastic sachet ng shabu at 11 plastic sachet ng marijuana fruiting tops.
Sa Subic, Zambales, inaresto ng team nina Chief Inspector Oriano Mina at Senior Inspector Feliciano Feria ang mga suspek na sina Joseph Labandelo, 33, ng Barangay Matain; Angelito Mendoza, 49, ng Barangay Camachile at Oscar Aguillon, 28, ng Barangay Calapandayan pawang sa bayan ng Subic.
Nakuha sa pag-iingat ng mag suspek ang P300 marked money at apat na plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000. Ang mga suspek ay ipinagharap na ng sakdal sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article ll ng RA 9165.