Home Headlines 7 Manlulutong Bulakenyo, pinarangalan sa pagpreserba ng mga Pamanang Kaluto

7 Manlulutong Bulakenyo, pinarangalan sa pagpreserba ng mga Pamanang Kaluto

719
0
SHARE
Itinanghal na mga Haligi ng Kalutong Bulakenyo ang pitong manlulutong Bulakenyo na nagtaguyod na mapanatili at mapalaganap ang mga Pamanang Kaluto upang maisalin sa susunod na mga henerasyon. Mula sa kaliwa, makikita sa larawan ang mga pinarangalan na sina Leonora Concepcion, Mercy Antonio, Cristina Luriaga, Ferdinand Talbernito, ang asawa ni Nicanora Teresa Hernandez at kaanak ni Milagros Enriquez. (Shane F. Velasco/PIA 3)

MARILAO, Bulacan (PIA) — Pinarangalan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang pitong manlulutong Bulakenyo dahil sa kanilang natatanging ambag sa pagpapalaganap at pagpepreserba ng mga Pamanang Kaluto.

Ito ang Gawad Haligi ng Kalutong Bulakenyo na pormal na ipinagkaloob kina Ferdinand Talbernito, Richard Gregory Ramos, Leonora Concepcion, Mercy Antonio, Cristina Luriaga at mga namayapang sina Nicanora Teresa Hernandez at Milagros Enriquez sa isang seremonya na ginanap sa SM City Marilao.

Ayon kay Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, minarapat na igawad ang nasabing mga parangal sa pagsasara ng Buwan ng Kalutong Pilipino at pagsalubong naman sa Buwan ng Pamana.

Layunin aniya nito na maikintal sa mga Bulakenyo at maging sa lahat ng mamamayan na hindi lamang basta pagkain ang mga Kaluto kundi isang pamana ng lahi na hindi dapat pabayaang mawala.

Una rito si Talbenito na nagtatag ng Bistro Malolenyo sa lungsod ng Malolos. Nauna na siyang ginawaran bilang Natatanging Restawran sa Lalawigan noong 2018 sa ginanap na Bulacan Food Fair and Exposition o BUFFEX. Hinirang din siya bilang Gintong Kabataan awardee sa larangan ng entrepreneur.

Nagsimula ang konsepto na maitaguyod ang kanyang restaurant nang mapanood ang programang ‘Lost Cuisine’. Ito ang naging inspirasyon upang pag-aralan ang pagluluto ng mga Kalutong Bulakenyo.

Kaya’t kabilang sa mga inihahain sa naturang restaurant ay mga paboritong potahe ng mga kilalang bayani, mga rekado na niluto ng mga kadalagahan ng Malolos at ang mga pagkaing inihanda sa bangkete o banquet noong panahon ng Unang Republika.

Pinarangalan din si Richard Gregory Ramos ng Guiguinto na nagtataguyod ng Eurobake Restaurant and Bakeshop na minana niya sa kanyang lolo. Sa magkakapatid, siya ang nakitaan ng pagkahilig sa paggawa ng Inipit, Ensaymada at iba pang paboritong pasalubong ng mga turistang bumibisita sa Bulacan.

Binuksan niya itong establisemento ng kanyang pamilya sa mga indibidwal, partikular na sa mga mag-aaral na nasa kurso ng kulinarya upang maturuan at matuto ng iba’t ibang uri ng Tinapay na mauugat mula sa gawa ng mga Kadalagahan ng Malolos.

Si Leonora Concepcion nnaman ay dating chef ng kauna-unahang restaurant sa Malolos na Café Valenzuela kung saan natuklasan niya ang abilidad sa pagluluto.

Hindi na mabilang ang mga gantimpala at karangalan na ipinagkaloob sa kanya mula sa iba’t ibang paligsahan sa pagluluto sa loob at labas ng Bulacan.

Sa kabila ng katandaan, hindi nahinto si Concepcion sa pagpapamalas ng kanyang husay at galing sa pagluluto ng mga katutubong pagkain gaya ng kakanin, goto, mga sinarsahang karne ng Baboy at Manok sa pamamagitan ng itinataga niyang Leony’s Catering Services.

Karaniwang kinukuha serbisyo ng kanyang catering tuwing may ginaganap na makakasaysayang pagdiriwang sa lalawigan dahil naaakma ang mga pagkaing inihahanda rito.

Ang magpinsan na Mercy Antonio at Cristina Luriaga ay kapwa pinarangalan ng Gawad Haligi ng Kalutong Bulakenyo. Sila ang ikaapat na henerasyon ng gumagawa ng pamosong Empanada de Kaliskis ng Malolos mula pa sa kanilang mga ninong magkapatid na sina Agustina Domingo De Jesus at Justina Domingo.

Taong 1820 na pasimulan sa Meycauayan ang paggawa at pagluluto nitong malinamnam na Empanada de Kaliskis na may maninipis na balat at pinalamanan ng tinimplang Karne sa gulay, harina at condiments.

Naipreserba din nila ang paggawa ng Biscocho de Sebo na tinatawag ding Kurbata at Gorgoria na tampok sa kanilang Bulakenya’s Eatery. Bukod sa karaniwang mga mamimili, naging regular na tagatangkilik nito ang mga n

Tinagurian namang ‘Taga-Ingat ng Pamanang Kaluto ng Bayan’ at isang makabagong Food Historian ang namayapang si Hernandez. Itinaguyod niya ang pagbuhay sa paggawa ng Puni na isang likhang sining mula sa dahon ng Buli. Ginagamit ito bilang palamuti sa mga magagarang pagdiriwang sa Bulacan.

Nagsimula siyang makilala bilang tagapagtaguyod ng mga Pamanang Kaluto noong dekada 90, kung saan naging aktibo siya sa pagpapalaganap nito hanggang sa kanyang pagpanaw nitong taong 2022.

Hindi na rin mabilang ang mga pagkakataon na naimbitahan si Hernandez sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sa ibang bansa, upang magbahagi ng mga pamamaraan kung paano iluluto ang mga sinaunang pagkain o tinatawag na Pamanang Kaluto.

Naging malaking instrumento siya upang maraming mga paaralan, kolehiyo at pamantasan sa Bulacan na nagtuturo ng kulinarya, na ituro sa mga mag-aaral ang pagluluto at paghahanda ng mga Pamanang Kaluto sa halip na potaheng banyaga.

Si Enriquez naman ang nagsisilbing inspirasyon ng marami sa mga pinarangalan din ng Gawad Haligi ng Kalutong Bulakenyo dahil sa kanyang mahaba, malalim at matingkad na pamana sa pagsusulong ng pamanang kaluto.

Iniakda at ipinalimbag niya ang aklat na ‘Ang Kasaysayan ng Kaluto ng Bayan’. Nilalaman nito ang mga potaheng na ginagawa, iniluluto at inihahain sa bawat yugto ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa panahon na wala pa ang mga mananakop, panahon ng mga Kastila at Amerikano, maikling yugto ng Unang Republika, panahon ng pananakop ng mga Hapon hanggang sa pagdaan ng mga dekada at sa kasalukuyan.

Ang mga potaheng natukoy sa nasabing mga panahon ay kanyang binuhay at pinalaganap gamit ang mga lokal na sangkap na maaaring mabili sa palengke.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Tourism Regional Director Richard Daenos na mas paiigtingin pa ng ahensya ang pagbibigay ng tulong para sa promosyon ng mga Kalutong Bulakenyo sa pamamagitan ng Tourism Promotions Board.

Kinakailangan lamang aniya na maging sustainable o napapanatiling nagagawa at naihahain.

Samantala, para kay Gobernador Daniel Fernando, hindi matutumbasan ng anumang parangal na gaya nito ang kanilang mga ambag sa pagpupursige na manatiling buhay ang mga Kalutong Bulakenyo na isang malaking pamana ng lahi.

Kaya’t kinakailangan aniyang tiyakin na ito’y maipapasa sa bagong henerasyon ng mga Bulakenyo at lalong mapagbuti. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here