7 holdaper ng bus nasakote ng PNP

    421
    0
    SHARE
    SAN RAFAEL, Bulacan——Arestado ng kapulisan ang pitong miyembro ng kilabot na mga holdaper matapos magsipangholdap ang mga ito ng dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng Cagayan Valley Road at Donya Remedios Trinidad Highway sa Bulacan,  kagabi.

    Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Arman Pangan,23, may-asawa; Alvin Pangan, 24; Alexander Cajuson, 25, tubong San Leonardo, Nueva Ecija; Michael Gallanera, 23, may-asawa, at Jake Bautista, 20, binata, kapwa tubong Samar; Mario Cajuson, 28, binata, tubong San Antonio, Nueva Ecija at Sherwin  Dag-ay, 23, binata, tubong Iloilo City.

    Ang mga suspek ay nagsisipaglungga umano sa isang bahay sa  Poblacion, Baliuag, Bulacan at may isang buwan nang nagsasagawa ng kanilang illegal na operasyon sa bahaging ito ng lalawigan.

    Ayon kay Supt Allen Bantolo, OIC provincial director ng Bulacan PNP, nasakote ang mga suspek sa isang checkpoint sa Baranagy Cruz na Daan, kung saan ay nauna nang nagsagawa ang mga ito ng panghoholdap sa isang 5 Star bus sa Barangay Sacdalan sa bayan ng  San Miguel ng gabi ring iyon.

    Nakuha mula sa pitong mga suspek ang pitong bladed weapons, isang homemade na caliber .38 revolver, apat na back packs na may lamang mga damit, walong wallets na may lamang cash money na umaabot sa P8,902, ID cards, pitong cellular phones, calculator, sun glasses, dalawang cellphone chargers, dalawang silver necklace, isang silver bracelet at tatlong silver rings.

    Inamin naman ng mga suspek na sila nga ang nambibiktima ng panghoholdap sa mga buses sa parteng ito ng Bulacan nitong buwan ng Abril.

    Anila, umaabot na sa anim na mga buses ang kanilang naholdap sa loob lamang ng isang buwan.

    Modus operandi ng naturang grupo na sumakay sa pampasaherong bus at titiyempo lamang upang manutok ng kanilang dalang mga armas at magdideklara ng holdap.

    Ang mga suspek ay kasalukuyang nakaditene sa San Rafael Municipal Jail at kasalukuyang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanilang habang patuloy namang dumadagsa sa presinto ang mga nabiktima nila ng panghoholdap at positibo silang itinuturo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here