60 sa 100 bahay sinimulang gibain sa Mariveles

    462
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan – Sa utos ng hukuman, 60 bahay na karamihan ay gawa sa semento ang sinimulang gibain noong Biyernes sa sityo Porto, Balon Anito dito na labis na ipinaghinagpis ng mga may-ari na ang ilan diumano’y mula pa noong 1964 nakatira sa nasabing lugar.

    Sinabi ni Gregorio Vilan, pangulo ng Porto Gate Neighborhood Association, na halos 60 bahay na ang nagigiba sa 100 bahay na nakatirik sa mahigit sampung ektaryang lupain na diumano’y pinag-aagawan ng dalawang nagsasabing sila ang may-ari.

    Sa isang paskel, nakalagay na “Warning, this property belongs to Princes Julian Morden Talliano”.  Subalit ang may hawak ng Writ of Demolition na ipinagkaloob ng  Municipal Trial Court ng Limay, Bataan ay ang pamilya Velez na kinakatawan nina Leonor at Jesus Velez ng Tondo, Manila.

    Ayon kay Vilan, sinabihan sila ni Talliano na huwag munang umalis at iyon diumano ang kanilang gagawin.

    “Inaangkin din ni Talliano ang lupa at hindi malinaw sa amin kung sino talaga ang dapat kilalanin sa dalawa,” sabi nito na umano’y sampung taon ng naninirahan sa lugar na iyon.

    Marami, aniya, sa mga nawalan ng bahay ay mga magsasaka samantalang ang ilan ay nagtatrabaho sa pabrika sa kalapit na Bataan Economic Zone.

    Ipinaliwanag naman ni Sheriff Taladin Palad, ng Branch 4, Regional Trial Court sa Balanga City, na ginagampanan lamang niya ang kanyang tungkulin sa pagpapatupad ng utos ng hukuman na diumano’y nagdisisyon noon pang Disyembre 27, 2005 na ang lupang nabanggit ay pag-aari ng mga Velez.

    “Noong Agosto 29, 2008 ay nagbigay ng Writ of Demolition ang hukuman pabor sa pamilya Velez at ito’y isinilbi ko sa mga naninirahan dito noong Setyembre 11, 2008 pa,” sabi ng sheriff.

    Sa pagbabantay ng pulisya ay sinimulang gibain ang mga bahay sa pamamagitan ng pagtatanggal una ng mga bubong at pagbutas sa mga sementadong pader. Nasa labas ng mga bahay ang mga damit at iba’t-ibang mga kasangkapan na binabantayan ng naghimutok na mga may-ari kasama ang kanilang mga anak.

    Sinabi pa ng sheriff na gigibain ng tuluyan ang mga bahay hanggang sa mapatag ang mga ito. May alok, aniya, ang mga Velez na 1.7 ektaryang lupain na malapit sa lugar na lilipatan ng mga pamilyang apektado na babayaran ng hulugan.

    Subalit sinabi ni Vilan na maaaring magsilbing awayan pa ang paglipat nila sa sinasabing relocation site.

    “Marami na ring nakatira sa sinasabi nilang lupa at walang ginawang tamang processing para sa mga lilipat,” sabi ng pangulo ng neighborhood association.

    Halos tumulo ang luha ni Emelita Pega, 49, na umano’y 20 taon ng nakatira sa lugal na iyon.  “Ikakasal sa Abril ang isa sa walo kong anak at nakikusap sana akong huwag na munang gibain ang bahay namin pero sinira pa rin at nagtira lamang ng isang maliit na bahagi,” sabi ng babae.

    Itinuro ng mga tao ang malalaking puno ng kasuy at ibang halaman na diumano’y tanim nila na nagpapakitang matagal na silang naninirahan doon. Isang 60 taong gulang na lalaki ang nangingilid ang luha at hindi makapagsalita sa nangyaring demolition sa kanilang bahay.

    May mga nagsabing hindi sila aalis at magtatayo sila ng kubo. Isang babae ang nagsabing napakalungkot ng nangyari sa kanila lalo pa’t graduation ng kanyang anak na babae sa elementarya.

    Isang batang babae na umano’y Grade 4 ang dumukmo sa isang tabi ng ginibang bahay nila at napahikbi.

    “Mabigyan sana kami ng katarungan sa ginawang ito sa amin,” sabi ng isang lalaki.

    Isang babae ang nagsabing nagbayad siya ng P40,000 sa unang umakupa ng lupa bilang kabayaran ng rights. Isa namang lalaki ang nagbayad diumano ng P12,000 sa loteng may sukat na 150 metro kwadrado. “Paano na kaya kami,” sabi nila.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here