ABUCAY, Bataan — Isang makulay at masayang Kasalang Bayan ang ginanap kung saan 60 pares ng magsing-irog ang pinag-isang dibdib noong Miyerkules, Oktubre 18 sa bayang ito.
Pinangunahan ni Mayor Robin C. Tagle ang malawakang seremonya sa tulong ng mga tauhan ng municipal civil registrar ng Abucay sa pamumuno ni Edgardo Ventura.
Ang Kasalang Bayan ay isinagawa sa magandang Country Pool Villas sa Abucay na napapalamutian ng mga bulaklak.
Nagsilbing ninong at ninang ang magkapatid na 1st District Rep. Geraldine Roman at provincial board member Tony Roman.
Sinaksihan at nakibahagi rin sa kasalan si Abucay councilor Tikboy Soriano, mga kinatawan ng Philippine Statistics Authority, at mga kawani ng local government.
“Pagkakaisa at Pagmamahalan: Isang Makabuluhang Kasalang Bayan,” ang naging tema ng okasyon.
Tumanggap ang bawat ikinasal ng isang sakong bigas mula kay Mayor Tagle bilang tulong sa pagsisimula sa bagong yugto ng kanilang buhay. Ang mga ninang at ninong ay nagkaloob naman ng cash gift at mga kasangkapan sa bahay tulad ng rice cooker, electric fan, at iba pa.
Sinabi ni municipal tourism officer Genel Llanes Real na isang tagumpay ang naganap na kasalan na magsisilbing saksi sa pagkakaisa at pagpapalakas ng pagmamahalan sa komunidad.
Ito, aniya, ay isang patunay ng dedikasyon ng kanilang mayor na mapalakas ang bawat tahanan ng kanyang mga nasasakupan.