Ang tatlo sa mga nailigtas (mula sa kanan) Glenn Gagaa, ang kapitan ng bangka, at mga tauhang sina Marlon Dela Cruz at Junrey Beroy. Kuha ni Ernie Esconde
MARIVELES, Bataan — Nanawagan sa pamahalaan nitong Linggo ang anim na mangingisdang nasagip sa lumubog nilang bangka noong nakaraang linggo mga 40 nautical miles ang layo sa Lubang Island.
Ang mga mangingisda na sakay ng Fishing Boat Glaiza May ay mula sa Barangay Sisiman dito.
“Sana mabigyan kami ng kahit kaunting tulong para makapagsimulang muli. Ang ipinagpagawa namin sa lumubog na bangka ay inutang lamang,” sabi ni Glenn Gagaa, 33, may-ari at kapitan ng FB Glaiza May.
Bago pa raw ang makina ng kanyang bangka at sana matulungan silang makuha pa ito.
“Sana po kung sino makakita sa bangka namin kung kaya namang hilahin sana po mahila lalo na ang makina para maibalik sa amin para may panghanap–buhay kami,” panawagan ng kapitan.
Naiwan umano sa laot ang kanilang bangka at makina at ito’y nagpapaanod-anod.
“Kasi wala na rin kaming trabaho, wala na kahit panggastos wala na talaga,” daing naman ni Marlon dela Cruz, 24, isa sa mga tauhan ng bangka.
Ayon kay Gagaa, wala pa silang huling isda at papunta sila sa Cabra, Lubang Island upang doon magpakalma muna ng malalakas na alon nang mangyari ang aksidente mga 40 nautical miles ang layo sa Lubang Island.
“Nananakbo kami, nagulat ako tumagilid bigla ang bangka yon pala bali na ang batangan namin. Ayun, sumalok yong bangka napuno ng tubig nalubog na kami,” sabi ng kapitan.
Matapos umanong lumubog ang bangka ay inayos nila ang kanilang mga gamit at inilagay sa palo at nakagawa sila ng tulugan.
“Dalawang gabi at isang araw bago kami natagpuan at ang kinakain namin ay tig-iisang maliit na tinapay at tubig,” sabi ni dela Cruz.
“Nagpaanod-anod kami bago matagpuan at nasa 60 miles papuntang Norte na ang inabot namin mula sa pinangyarihan. Siyempre, iniisip namin mabubuhay kami at siyempre na makakuwi kami sa mga pamilya namin,” sabi ni Gagaa.
Malaki ang hinanakit ni dela Cruz sa isang barkong dumaan daw sa tabi nila pero hindi sila inintindi: “Hindi sana kami magtatagal sa laot kung tinulungan lamang kami ng barkong dumaan sa harap namin na halos 20 dipa lamang ang layo sa amin. Masakit sa amin yon na dinaanan lamang kami.”
Nagpapasalamat sila sa mga tauhan ng isang bangkang mula sa Subic, Zambales na nagligtas sa kanila. “Napakabait nila,” sabi ni dela Cruz.
“Maging maingat dahil hindi natin masasabi kung kailan mangyayari ang disgrasya,” payo ni Gagaa sa kanyang kapwa mangingisda.